Romero

Romero umaapela sa mga bumabatikos sa ayuda program ng pamahalaan

Mar Rodriguez Mar 30, 2025
37 Views

BILANG Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation. Umaapela si 1-PACMAN Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., sa mga bumabatikos sa ginagawang pamamahagi ng pamahalaan ng ayuda para sa mga mahihirap na Pilipino.

Sabi ni Romero na dapat ihinto na ng mga bumabatikos sa pamamahagi ng pamahalaan ng ayuda para sa mga mahihirap na mamamayan sapagkat sa patuloy nilang kritisismo laban sa program ang mga benepisyaryo nito ang pangunahing apektado.

Kasama si Romero sa mga kongresista na pumuna sa naging alegasyon ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na tumatanggap ang mga miyembro ng Kamara de Representantes ng milyong halaga ng “social amelioration funds”.

Dahil dito, pagdidiin ng kongresista na may ilang indibiduwal ang hindi talaga tumitigil sa kanilang pambabatikos laban sa ayuda program ng gobyerno na ang pangunahing layunin ay matulungan ang napakaraming mahihirap na Pilipino na walang sapat na kita.

Paliwanag pa ni Romero na ang mga alegasyon laban sa ayuda program ay wala naman talagang matibay na basehan kundi isang alingas-ngas lamang. Kaya ang panawagan ng mambabatas sa mga kritiko na sa halip na bumatikos ay suportahan na lamang ang programa ng pamahalaan dahil maraming Pilipino ang nakikinabang dito.

Samantala, dinagsa ng libo-libong residente ng Bohol ang campaign sortie ni 1-PACMAN Party List 1st nominee Mikaela Louise “Milka” Romero kasama ang Pambansang Kamao na si Alyansa para sa Bagong Pilipinas (APBP) Senatorial candidate Manny “Pacman” Pacquiao.

Sa kaniyang mensahe sa harap ng libo-libong residente ng lalawigan, inilatag ni Romero ang mga naging achievements ng 1-PACMAN Party List sa loob ng tatlong panunungkulan nito sa Kamara.

Tiniyak naman ni Romero na sakaling siya ay Papalarin manungkulan. Ipagpapatuloy nito ang mga programa at adbokasiya na sinimulan ng kaniyang ama (Rep. Mikee Romero).