Martin

Romualdez: Di kukunsintihin ng Kamara mga maling gawain ng mga kongresista

Mar Rodriguez Mar 24, 2023
127 Views

NAGBIGAY nang babala si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na hindi umano kukunsintihin ng Kamara de Representantes ang maling gawain, pag-uugali at kabuktutan ng sinomang kongresista na mahaharap o masasangkot sa iba’t-ibang eskandalo at kontroberisya.

Ito ang tiniyak ngayon ni Speaker Romualdez sa mamamayang Pilipino na hinding-hindi nila kukunsintihin at hahayaan na lamang ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na maabuso ang kanilang kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagsasawalang kibo sa kanilang maling gawain.

Ang naging pahayag ng House Speaker ay kaugnay sa naging hatol ng House Committee on Ethics and Privileges kamakailan. Matapos pagbotohan at katigan sa Plenaryo ang suspensiyon ni Negros Oriental 3rd Dist. Congressman Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. sa pamamagitan ng 292 boto.

Nauna rito, pinatawan ng nasabing Komite ng anim na pung araw (60 days) na suspensiyon ni Teves matapos mapaso ang inisyu sa kaniyang “travel authority”, mabigo itong makabalik ng Pilipinas sa takdang araw at hindi makadalo sa nalalabing session ng Kamara de Represenatntes.

Sinabi pa ni Romualdez na hindi lamang sa mga miyembro ng Kongreso sila maghihigpit. Kundi maging ang mga pasaway na “resource persons” na ayaw makipag-tulungan o tumatangging magbigay ng anumang impormasyon sa isang kontrobersiyal na usapin ng iniimbestigahan ng Kamara.

Tiniyak din ng House Speaker na naging patas ang desisyon ng liderato ng Kamara de Representantes sa ibinabang suspensiyon kay Teves. Sapagkat sumunod aniya sa tinatawag na “due process” ang Ethics Committee batay sa naging rekomendasyon nito matapos isagawa ang mga deliberasyon sa kaso ng kongresista.

Pinapurihan naman ni House Deputy Majority Leader at Isabela 6th Dist. Congressman Faustino “Inno” A. Dy V ang pagiging patas ng Mababang Kapulungan sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez kaugnay sa naging desisyon nito sa kontrobersiyal na kaso ni Congressman Teves.

Sinabi ni Dy na ipinakita lamang aniya ni Speaker Romualdez na walang kinikilingan ang liderato ng Kamara patungkol sa mga kongresista na nakakagawa ng pagkakamali o kaya naman ay nasasangkot sa isang kontrobersiyal na usapin. Na isang indikasyon na “parehas” ang House Speaker.