Martin

Romualdez pinasalamatan sa mahusay  na pamamahala sa ilalim ng 18th Congress

Mar Rodriguez Jun 8, 2022
169 Views

BAGO lisanin ng isang kongresista ang Kamara de Representantes dahil sa pagtatapos ng kaniyang termino. Pinasalamatan niya ang incoming House Speaker na si House Majority Leader at Leyte 1st Rep. Martin G. Romualdez bunsod ng mahusay nitong pamamahala sa ilalim ng 18th Congress.

Sinabi ni Cagayan 2nd Dist. Rep. Samantha Louise Vargas Alfonso na sa ilalim ng pamamahala ni Romualdez bilang Majority Leader napakaraming batas at proyekto ang naipatupad ng Mababang Kapulungan na nagsilbing malaking tulong sa mga Pilipino.

Bukod dito, pinasalamatan din ni Alfonso si Romualdez dahil sa napakaraming suportang ibinigay nito sa kaniyang unang termino bilang kinatawan ng Cagayan.

“Nais kong ipaabot ang aking taos pusong pasasalamat sa aming minamahal na House Majority Leader ng 18th Congress, si Hon. Ferdinand Martin G. Romualdez. Sa ilalim ng kaniyang pamamahala, napakaraming batas at proyekto ang naipatupad ng Kongreso na nagsilbing malaking tulong para sa ating mga kababayan,” sabi ni Alfonso.

Idinagdag pa ng lady solon na isang malaking karangalan para sa kaniya ang makapagsilbi sa taong-bayan na kasama si Romualdez.

Nagpahayag si Alfonso na maganda ang mga susunod na kaganapan sa Kongreso sa ilalim ng pamamahala ni Romualdez bilang House Speaker ng 19th Congress.