ROTC makatutulong sa kahandaan ng bansa sa mga kalamidad

321 Views

MAKATUTULONG umano ang pagbabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program sa senior high school upang mapataas ang antas ng kahandaan ng bansa sa mga darating na kalamidad.

Ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ROTC ay hindi lamang pagpapalakas ng national defense kundi makatutulong din sa disaster response and emergency management ng bansa.

“Mas marami rin tayong maihahanda na sibilyan para sa mga ganitong disaster response sa pamamagitan ng ROTC program dahil hindi lang naman national defense ang tinuturo sa kanila kundi disaster preparedness and capacity building para dito nga sa tinatawag na risk-related situations na itinuturo sa kanila,” sabi ni Marcos sa kanyang vlog.

Binigyan-diin ni Marcos ang kahalagahan na magkaroon ng kaalaman ang mga sibilyan sa disaster preparedness dahil madalas dinaraanan ng bagyo ang bansa bukod pa sa ibang kalamidad gaya ng lindol.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA), hiniling ni Marcos sa Kongreso na magpasa ng batas para sa pagbabalik ng mandatory ROTC.