Submarine Source: FB post

Russian submarine sa WPS ikinabahala sa Senado

55 Views

TATLONG senador ang nagpahayag ng kanilang pag-aalala at mga rekomendasyon kaugnay ng ulat hinggil sa namataang Russian Ufa attack submarine malapit sa Occidental Mindoro, kung saan ay binibigyang-diin ng mga senador ang kahalagahan ng pagiging mapagbantay sa seguridad sa karagatan, at pagkilos sa diplomatikong paraan upang matugunan ang insidente.

Pinuri ni Senator Francis “Tol” Tolentino, Chair ng Senate Special Committee on Philippine Maritime and Admiralty Zones, ang mabilis na tugon ng Philippine Navy. “I laud the immediate action undertaken by the Philippine Navy when it dispatched an aircraft and warship to respond to the sighting of a Russian Ufa attack submarine,” ani Tolentino.

Binigyang-diin niya ang matagumpay na pagsubaybay ng Navy sa nasabing barko hanggang sa ito ay makalabas ng karagatan ng Pilipinas.

Idinagdag ni Tolentino ang kahalagahan ng pagpasa kamakailan ng Archipelagic Sea Lanes Act (RA 12065) at Philippine Maritime Zones Act (RA 12064), na siya ang may-akda. Hinimok niya ang Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na ipahayag sa pandaigdigang komunidad ang mga pagsusumikap ng Pilipinas na ipagtanggol ang mga karapatan nito sa maritime zones at teritoryal na tubig.

Nagpahayag din ng pag-aalala si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada kaugnay ng potensyal na banta sa katatagan at seguridad ng rehiyon.

“The presence of foreign military assets, especially those with offensive capabilities, increases the risk of misunderstandings and conflicts in an already sensitive region,” ani Estrada.

Hinimok ni Estrada ang Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines, at DFA na linawin ang layunin sa likod ng tinawag niyang “incursion.”

Samantala, binigyang-diin naman ni Senator Joel Villanueva ang pangangailangan ng pagiging mapagbantay at maagap na pagtatanggol sa interes ng maritima ng Pilipinas.

“The reported presence of a Russian submarine in the West Philippine Sea is truly concerning. This underscores the need for heightened vigilance in safeguarding our territorial waters,” ani Villanueva.

Pinuri ni Villanueva ang dedikasyon ng Philippine Coast Guard at Navy at binigyang-pansin ang papel ng mga bagong batas sa maritime sa pagpapatibay ng soberanya ng bansa.

Ang insidente ay nagdulot ng panibagong panawagan para sa mas pinalakas na depensa sa maritima, pagkakaisa ng bansa, at mas pinaiting na diplomatikong pagsisikap upang mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon. Habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon at diplomatikong pakikipag-ugnayan, inaasahan ang mga karagdagang ulat mula sa mga ahensya ng gobyerno ukol sa mga hakbang na isinagawa upang matugunan ang insidente. /// ps jun m sarmiento