African

S. African na wanted sa Kenya nahuli sa Mandaue

140 Views

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang South African national na hinahanap ng mga awtoridad sa Kenya dahil sa kasong sexual assault, sa isang joint operation na pinangunahan ng Fugitive Search Unit (FSU) sa Mandaue City, Cebu.

Isinagawa ang operasyon noong Marso 18 sa P.J. Burgos Street, Mandaue City, ng mga operatiba ng BI-FSU sa pakikipagtulungan sa Regional Intelligence Operations Unit 7 (RIOU-7) ng Intelligence Division, alinsunod sa mission order na inilabas sa parehong araw.

Naaresto si Michael James Noble Ballantine, kilala rin bilang Michael James Ballantine, 42, na may Interpol Red Notice para sa mga kasong sexual assault at compelled indecent acts sa ilalim ng Sexual Offences Act of 2006 ng Kenya.

Batay sa ulat na natanggap ng BI mula sa Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), si Ballantine ay hinahanap ng mga awtoridad sa Kenya kaugnay ng mga insidente noong Agosto 2024, kung saan umano’y inabuso niya ang mga biktima sa loob ng kanyang sasakyan. Naglabas ng warrant of arrest ang korte sa Kenya noong Setyembre 2024, at sinundan ito ng Interpol Red Notice noong Oktubre 2024 matapos siyang makaiwas sa pagkakaaresto.

Ayon sa rekord ng BI, dumating si Ballantine sa Pilipinas noong Disyembre 2024 bilang temporary visitor. Lumampas na ang kanyang awtorisadong pananatili noong 2025. Siya rin ay nasa blacklist at watchlist order ng BI mula 2025 bilang isang undesirable alien at fugitive mula sa hustisya.

Na-intercept siya matapos magsumite ng aplikasyon sa BI Cebu District Office.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang matatag na paninindigan ng pamahalaan laban sa pagtatago ng mga dayuhang fugitive, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang border control at protektahan ang publiko laban sa transnational crimes.

“Ang mga dayuhang sangkot sa krimen, lalo na sa mga kasong sexual offenses, ay hindi welcome sa Pilipinas,” ani ng BI Chief. “Hindi natin pahihintulutan na gawing kanlungan ang ating bansa ng mga fugitive na umiiwas sa hustisya sa kanilang sariling bayan.”

Pinuri rin niya ang BI-FSU at mga katuwang na yunit sa matagumpay na operasyon, at binigyang-diin ang kahalagahan ng matibay na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng batas upang labanan ang transnational crimes.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng BI Region 7 ang naarestong indibidwal at isasailalim sa deportation proceedings. Mananatili siya sa detention habang hinihintay ang kumpirmasyon ng kanyang deportation at ang pormal na paglalagay sa BI blacklist upang maiwasan ang kanyang muling pagpasok sa bansa.