Calendar

S. Korean arestado, wanted dahil sa investment scams
KINUMPIRMA ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto sa isang South Korean na lalaki na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagkakasangkot sa mga mapanlinlang na investment scams.
Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante bilang si Chu Hoyong, 35-anyos, na inaresto noong Miyerkules sa kanyang tirahan sa Cruzada St., Makati City ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) ng BI.
Sinabi ni Viado na inaresto si Chu sa bisa ng isang mission order na kanyang inilabas sa kahilingan ng gobyerno ng South Korea na nag-ulat ng presensya at ilegal na mga aktibidad nito sa bansa.
“Inabisuhan kami na bukod sa investment scams, sangkot din siya sa telecommunications fraud na posibleng isinagawa niya habang nasa bansa,” saad ni Viado.
Idinagdag pa ng Viado na si Chu ay may dalawang arrest warrants mula sa mga korte sa Korea kung saan siya ay nasasakdal sa mga fraudulent schemes na biktima ang kanyang mga kababayan.
Ayon kay Viado, prayoridad ang deportasyon ni Chu upang siya ay ma-blacklist at pagbawalang makapasok muli sa bansa.
Isiniwalat ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na si Chu ay may arrest warrant na inilabas ng Bukbu district court sa Seoul noong Abril 12, 2022 matapos akusahan ng panloloko sa pamamagitan ng pagbibigay ng walang kwentang kolateral para sa mga pautang na kanyang nakuha mula sa mga biktima na nawalan ng kabuuang 2.26 bilyong won o humigit-kumulang US$1.4 milyon.
Isa pang warrant ang inilabas laban sa kanya ng Seoul district court noong Enero matapos siyang kasuhan ng isa pang pandaraya dahil sa diumano’y panloloko sa mga biktima na pinautang siya ng mahigit 76.4 milyong won o humigit-kumulang US$53,000 kapalit ng pangakong babayaran sila gamit ang cryptocurrencies.
Ayon kay Sy, si Chu ay itinuturing na isang high-value target ng mga awtoridad sa Korea na pinaghihinalaang konektado sa mga sindikato ng telecom fraud na nag-ooperate sa Pilipinas.
Ang pagsusuri sa kanyang travel record ay nagpakita na siya ay overstaying na dahil ang kanyang huling pagdating sa bansa ay noong Marso 13, 2022.
Kasalukuyan siyang nakadetine sa pasilidad ng BI warden sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang naghihintay ng deportation proceedings.