Calendar
Source: House of Representatives
Sa atin ang unang galaw, sa atin ang direksyon, hawak natin ang beat — Luistro
SA gitna ng mga panibagong pagtatangka na hadlangan ang mga pagdinig ng impeachment laban kay Bise Presidente Sara Z. Duterte sa pamamagitan ng mga petisyon sa Korte Suprema (SC), iginiit ng House Committee on Justice na malinaw ang Konstitusyon kung saan nagsisimula ang proseso at kung sino ang may kontrol sa prosesong konstitusyonal.
Binigyang-diin ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, tagapangulo ng House Committee on Justice, na kumikilos ang Kamara sa loob ng mga kapangyarihang tanging sa kanila lamang ipinagkaloob ng Konstitusyon.
“Sa atin ang unang galaw. Sa atin ang direksyon. Gaya ng sabi ng mga kabataan, ‘hawak natin ang beat,’” ani Luistro sa kanyang pambungad na pahayag.
“Tulad ng sinabi ko kanina, nasa atin ang eksklusibong kapangyarihan na mag-impeach,” diin ni Luistro.
“At ang ibig sabihin ng ‘eksklusibo’ ay malinaw: sa Kamara nagsisimula ang proseso ng impeachment,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Luistro ang puntong ito sa simula ng pagdinig bilang tugon sa argumento na lumalagpas na umano ang komite sa isang paglilitis at nakikialam na sa tungkulin ng Senado.
“Ang Kamara ang nagsisimula. Ang Senado ang nagpapasya,” paliwanag ni Luistro.
Ayon sa kanya, hindi malabo o mapagtatalunan ang pagkakaibang ito dahil mismong Konstitusyon ang nagtalaga ng magkakaibang papel sa dalawang kapulungan.
“Sa ilalim ng Konstitusyon, ang Kamara ang may eksklusibong kapangyarihan na magpasimula ng lahat ng kaso ng impeachment. Ang papel natin ay suriin at alamin kung may sapat na batayan para dalhin ang kaso sa Senado,” paliwanag ni Luistro.
Aniya, ang Senado naman ang nagsisilbing impeachment court at nagpapasya kung ang opisyal ay may sala o wala.
“Ang ginagawa natin dito ay hindi paglilitis,” paglilinaw ni Luistro.
“Ang tanong lang natin: May sapat bang batayan para umusad ang proseso?” dagdag niya.
Ayon kay Luistro, masyadong nakatuon ang mga kritiko sa mga katawagang tulad ng pagdinig, imbestigasyon, o pagsusuri, samantalang mas simple ang tunay na tanong konstitusyonal.
“Kung anuman ang tawag natin sa prosesong ito—pagdinig, imbestigasyon, pagsusuri, o kahit ano pa—hindi iyon ang mahalaga. Ang mahalaga, malinaw ang tungkulin at malinaw ang resulta,” aniya.
Tinuligsa rin niya ang pahayag na ang pagdinig sa impeachment ay nakakaabala sa harap ng iba pang mahahalagang problema ng bansa.
“Ngunit hayaan ninyong itanong ko: Dahil ba sa dami ng problema ay dapat nating balewalain ang isang tiyak na isyu?” tanong ni Luistro.
Ayon sa kanya, kayang gawin ng pamahalaan ang higit sa isang gawain sa parehong panahon, at ang pagtugon sa isang isyung konstitusyonal ay hindi nangangahulugang pababayaan ang iba pang suliranin ng bansa.
“Kayang gampanan ng Komite ang tungkulin nito habang patuloy na gumagana ang pamahalaan. Multi-tasking ang gobyerno,” ani Luistro.
Tungkol sa mga nakabinbing petisyon sa Korte Suprema, kinilala ni Luistro na may ilan nang naihain, kabilang ang isa mula mismo kay Duterte, ngunit nilinaw na hindi ito sapat na dahilan upang ihinto ng Kamara ang proseso.
“Hindi natin ititigil ang paghahanap ng katotohanan dahil lamang, una, may ilang usaping procedural; o pangalawa, may mas mabibigat na problema; o pangatlo, may mga petisyon sa Korte Suprema,” pahayag ni Luistro.
Ayon sa kanya, sapat na ang narinig ng publiko na mga teknikal na pagtutol at ingay sa proseso, ngunit kakaunti pa ang direktang sagot sa mismong mga akusasyon.
“Ang taumbayan ay naghahanap ng sagot, hindi ng papel,” giit ni Luistro.
Para kay Luistro, ito ang dahilan kung bakit dapat ipagpatuloy ng Kamara ang pagdinig sa kasong inilagay ng Konstitusyon bilang unang yugto ng pananagutan.
“Sasagutin natin ang mga abogado sa Korte Suprema, ngunit sasagutin natin ang sambayanang Pilipino dito,” diin niya.
Aniya, ang usapin sa harap ng komite ay hindi tungkol sa personalidad kundi tungkol sa pananagutan sa publiko, at kailangang tukuyin ng Kamara kung may sapat na batayan o wala.
“Ito ay tungkol sa pananagutan. Ito ay tungkol sa responsibilidad. Ito ay paninindigan para sa katotohanan,” ani Luistro.
Dagdag pa niya, hindi layunin ng komite na magbigay ng pinal na hatol kundi linawin ang mga katotohanan at suriin kung dapat bang magpatuloy o itigil ang proseso.
“Ang tungkulin natin ay hindi maglabas ng pinal na hatol, kundi linawin ang mga bagay at, sa proseso, hanapin ang katotohanan,” pahayag ni Luistro.
Sa huli, sinabi ni Luistro na dapat gabayan ang Kamara hindi ng takot, kaginhawaan, o teknikal na maniobra, kundi ng Konstitusyon at ng tiwalang ipinagkaloob dito ng taumbayan.
“Walang ibang dapat manaig kundi kung ano ang makabubuti para sa bansa,” ani Luistro.

