Calendar
Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., tagapag-endorso ng impeachment
Sa pagitan nina Leni at Sara sa 2028: May reklamo ba ng corruption vs Leni di tulad ni VP Sara? — Abante
NAGLATAG si Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., na tagapag-endorso ng impeachment, ng malinaw na paghahambing sa pagitan ng dating Vice President Leni Robredo at kasalukuyang Bise Presidente na si Sara Duterte, habang umiinit ang usapan para sa 2028.
Hinikayat niya ang mga botante na unahin ang integridad at pananagutan bago ang personalidad at kasikatan, at iginiit na pumapasok si Robredo sa anumang paghahambing na walang isyu ng korapsyon, hindi tulad ni Duterte na nahaharap sa mga seryosong alegasyon.
“Mayroon bang complaints si Leni sa corruption, compared to the Vice President right now? ’Yun dapat na makita ng taumbayan. Hindi pinag-uusapan dito ang personality. Ang pinag-uusapan dito, kailangan natin ng pangulo na matino at malinis,” ani Abante sa Saturday Media Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Si Abante, chair ng House committee on human rights at vice chair ng quad committee, ay inilagay ang usapin sa konteksto ng aniya’y mas mapanuring mga botante na mas maagang tumitingin sa mga alegasyon, kakayahan at mga desisyong pampamahalaan bago pa man magsimula ang kampanya.
“Dapat may track record at may maiaalok sa bayan na kakaiba — na makikita nating mas tatayo at mas gaganda ang bansang Pilipinas,” dagdag niya.
Itinuro rin niya na sa papel ay may pagkakatulad sina Robredo at Duterte sa kanilang karanasan sa pulitika, kaya aniya’y mas mahalaga ang resulta at kakayahan kaysa sa tatak o kasikatan.
Ani Abante: “May similarity naman si Leni at si Sara. Naging mayor ’yung dalawa, naging vice president. Ang pinag-uusapan dito na dapat makita ng taong-bayan natin ’yung track record. Ano ba ’yung track record ni Leni? Ano ’yung track record ni Sara?”
Hinamon din niya ang rekord ni Duterte sa panahon nito sa Department of Education (DepEd), at sinabing ito ay konkretong sukatan ng kakayahang mamahala na dapat suriin ng mga botanteng naghahanap ng malinaw na resulta.
Tanong ni Abante: “Ano ba ’yung nagawa ni Sara when she was the secretary of DepEd for two years? Ano ba ’yung ginawa niya?”
“Nadagdagan ba ’yung mga classroom? Gumanda ba ’yung restrooms sa mga public school? Gumanda ba ang ating education? At this point in time, kahit ngayon, nakikita natin ang education natin ay hindi maganda,” dagdag niya.
Mula rito, iginiit niya na ang sinumang seryosong tatakbo sa pagkapangulo ay dapat may malinaw na maiaalok sa bansa na higit sa pulitika ng pamana, dahil kailangang magpasya ang mga botante kung nais nila ang pag-uulit ng lumang estilo ng pamumuno o isang kapani-paniwalang plano na lalayo sa dinastiyang pampulitika at magtutuon sa kapakanan ng mamamayan.
“Pangalawa, ano ang maio-offer mo sa bayan? For example, if you’re going to repeat the performance of your father as president, is that what you can offer the country? Or mayroon ka puwedeng sabihin na may maio-offer ka sa bansa natin bilang isang pangulo ng Pilipinas na hindi ka na naniniwala sa political dynasty, kung hindi ang pinaniniwalaan mo ’yung pangangailangan ng taumbayan,” pahayag ni Abante.
“Dapat may continuity of progress. Dapat may continuity of economic rehabilitation, for example. Sapagkat pag-iibahin mo na naman ’yung programa pag pangulo ka, sapagkat wala kang belief sa dating pangulo, hindi po nakakaganda ’yun sa bansang Pilipinas, because that is just playing politics,” diin ni Abante.
Nang tanungin kung matatalo ba si Duterte sa 2028 kung tatakbo si Robredo, kinilala ni Abante ang kasalukuyang lakas ni Duterte ngunit nagbabala laban sa kaisipang tila hindi na siya matitinag, at sinabing nagbabago ang kapalaran sa pulitika.
“She [Duterte] might be winnable, but she is not unbeatable,” sinabi ni Abante.
“Kung ang iniisip po ng maraming tao na ito hindi na matatalo, hindi pa rin ’yun. Palagay ko may mga pagbabago na mangyayari sa 2028,” pagtatapos ni Abante.

