pauls

‘Sablay’ na banat sa Customs

Paul M Gutierrez Jun 6, 2022
264 Views

NAGULANTANG” ang buong pantalan sa “kumalat na balita” noong isang linggo hinggil sa umano’y ‘name dropping’ nina Atty. Teddy Raval, Deputy Commissioner for Enforcement (EG) at, Atty. Vener Baquiran, Deputy Commissioner for Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG), sa pangalan ng isang religious group at “paghanahanap ng tulay” sa kampo ni BBM, upang manatili umano sila sa kanilang puwesto.

At hindi pa nakuntento, “dinagdagan” pa ng bintang na “sabit” silang dalawa sa mga anomalya at katiwalian.

Sa mga nabasa natin, hindi natin maiwasan na sabay na mapatawa—at madismaya.

Dangan kasi, masyadong “malasado” at masasabing ‘born out of ignorance,’ kumbaga, “sablay,” sablay na sablay, ang mga lumabas na artikulo. “Ganyan” na ba ang estado ng ating pamamahayag ngayon, hehehe, ayy, huhuhu!

Kaya nga “aprub” para sa atin ang “resbak” nina Atty. Teddy at Atty. Vener na, “the allegation is malicious, unfounded and a downright lie.”

“Himayin” natin, dear readers. Una, parehong ‘career executives’ang dalawang opisyal. Ang ibig sabihin? Hindi nila kailangan ang sino mang “padrino” para lang manatili sa kanilang puwesto sa gobyerno. May “proteksyon” sila sa ilalim ng ating ‘civil service rules.’
Ikalawa, naniniwala tayong sa “merito” at sa kanilang kakayahan idadaan ni incoming president BBM, ang kanyang magiging pasya kung dapat pa ngang manatili sa BOC sina Atty. Vener at Atty. Teddy.

Ikatlo, sa usapin ng merito, eh, marami nang napatunayan itong sina atorni. Sabi nga ng mga panatiko ng Dilawan: ‘Let me educate you,’ hehehe!

Bilang RCMG “depcom,” alam ba ninyo dear readers, na si Baquiran ang “nakatutok” sa koleksyon ng buwis ng Aduana? At sapul noong Hunyo 2021 hanggang ngayong Mayo 2022, hindi pa sumablay sa koleksyon sa buwis ang BOC?

Aber, nito lang Mayo, higit P11 bilyon ang ‘surplus collection’ ng BOC. Kung “masamang tao” si Atty. Vener at “kunsintidor” ng mga tiwali katulad ng bintang ng mga walang magawa, eh, dapat palaging ‘deficit’ ang tax collection ng Aduana.

Siyempre, sa ganitong mga positibong balita, palaging “guwapo” si BOC Comm. Jagger Guerrero pero, ang “laborer” at “man on the ground” sa pangongolekta, si Atty. Baquiran, dahil “revenue collection and monitoring” nga kasi ang kanyang trabaho, gets ninyo, mga kabayan?

Si Atty. Vener din ang nagsasampa ng mga kaso sa DOJ laban sa mga hinihinalang mga smuggler at kasabwat nilang mga customs brokers. At sa datos ng BOC, higit 200 kaso na ng smuggling ang naisampa sa DOJ ng ‘BATAS’ (BOC Action Team Against Smugglers).

Translation? Kung “nababawasan” ang bilang ng mga korap na importer at broker sa listahan ng BOC-AMO (Account Management Office), dahil din yan sa mga isinampang kaso ng BATAS sa DOJ.

Para naman kay Atty. Teddy, hindi matatawaran—at marami ang bumibilib ngayon—sa bilyones na mga nasamsam na produkto ng BOC sa pangunguna ng Customs Intel at Customs Police (ESS). Noong isang taon, ‘record haul’ na higit P28 bilyon ang mga nasamsam na smuggled products ng BOC. At ang “bosing” ng ESS? Si Atty. Raval.

Eh, kung may ‘corruption issue’ din sa kanya, disin sana, “kakarampot” lang ang nakukumpiska ng Customs Police, tama ba, mga kabayan?

Si Atty. Teddy rin ang “bisor” sa ‘fuel marking program’ (FMP) ng gobyerno, isang sistema upang labanan ang ismagling ng mga produktong petrolyo. At noon lang isang taon, ayon sa datos ng DOF, umabot sa higit P166 bilyon ang “ambag” na buwis ng FMP sa kaban ng BOC.

Muli, kung “tiwali” si Atty. Teddy, eh, bakit daang bilyones ang koleksyon sa FMP, aber?

At siyempre, panahon pa ni Comm. Guillermo Parayno (1992-1998), pinag-uusapan ang pagtatayo ng BOC ‘Water Patrol Division’ sa ilalim ng EG.

Eh, alam ba ninyo na sa ilalim lang ni Comm. Jagger at Depcomm. Teddy naging “reyalidad” itong BOC-WPD, na pinasinayaan pa ni Comm. Jagger at Finance Secretary Carlos Dominguez nito lang buwan ng Pebrero? I should know for I was there.

Oops! Isinulat natin lahat ito hindi para “magsipsip” sa BOC at kina Atty. Vener at Atty. Teddy.

Isinulat natin ito, dahil bagaman obligasyon ng midya na “mambaterya” ng mga opisyal ng gobyerno, mas obligasyon ng midya na ilabas ang mga detalye at mga katotohanan sa ano mang isyu. Para balanse, para “parehas.”

At “alam” natin ang ating sinasabi, dear readers, dahil 1987 pa lang, “istambay” na tayo d’yan sa pantalan kung saan nasaksihan natin ang iba’t-ibang mga kaganapan.