Barbers

Sagasaan na ang dapat masagasaan -Rep. Barbers

Mar Rodriguez Dec 13, 2024
50 Views

BINIGYANG DIIN ng lead Chairman ng House Quad Committee na si Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace S. Barbers na wala silang sisinuhin, tamaan na ang dapat tamaan patngkol sa tuloy-tuloy na imbestigasyon ng naturang “joint committee” hinggil sa mga kontrobersiyal na usapin tulad ng Extra-Judicial Killings (EJK), madugo at brutal na war-against-drugs campaign at illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Sa ika-labing tatlong pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes bago magpaalam ang taong 2025, muling iginiit ni Barbers, Chairman din ng House Committee on Dangerous Drugs, ang kanilang commitment na mailantad ang katotohanan at maibigay ang nararapat na hustisya para sa mga naging biktima ng EJK at illegal drugs na iniuugnay kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Diniin ni Barbers na wala silang sasantuhin at walang “sacred cow” sa patuloy na paghahanap nila ng katarungan, pagsasaliksik ng katotohanan at pagkakaroon ng hustisya hinggil sa mga isyung iniimbestigahan nila na hindi sinasadyang nakakulapol lahat sa nakalipas na administrasyong Duterte at mga taong malapit sa dating Pangulo gaya ni Michael Young.

“Wala pong sisinuhin ang House Quad Committee. There will be no sacred cows, we will leave no stones unturned in the search for truth, justice and accountability,” wika ng Quad Comm lead Chair na si Cong. Robert Ace Barbers.

Pagdidiin pa ng kongresista na hindi mapaghihiwalay at magkaka-ugnay ang kaso ng illegal drugs at EJK. Sapagkat mistulang hindi maipapatupad ang kampanya laban sa illegal na droga kung walang mapapatay na mga indibiduwal na sangkot sa pagtutulak at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

“It was as if the war on drugs cannot be implemented without killing thousands of people,” sabi pa ni Barbers sa kaniyang opening statement.