Mercado

Sakit sa Philhealth, gagamutin ng bagong pinuno

Chona Yu Feb 5, 2025
11 Views

GAGAMUTIN ni bagong Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) president at chief-executive officer Dr. Edwin Mercado ang mga sakit ng ahensya.

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Mercado na pangunahing utos sa kanya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ayusin at palawakin pa ang pagbibigay serbisyon ng Philhealth sa mga miyembro nito.

Itinalaga ni Pangulong Marcos si Mercado kapalit ni dating Philhealth president at CEO Emmanuel Ledesma Jr.

Partikular na tutukan ni Mercado ang benefits management, claims processing, at financial reporting.

“Ako bilang manggagamot, parang tinitingnan ko rin po ang PhilHealth na may sakit at inaalam ko rin po, ano iyong lunas,” pahayag ni Mercado.

“So, iyon po iyong aking unang kailangang gawin – aralin pong mabuti kung ano po iyong mga prosesong kailangang baguhin para po iyong directive po ng ating Presidente, mahal na Presidente na tuluy-tuloy ang serbisyo at palalawigin pa natin iyong benepisyo,” dagdag ni Mercado.

Tututukan din ni Mercado ang digitalization sa Philhealth.

“Kasi kapag naipasatupad namin iyong digitization ay magagawa rin natin na iyong mga claims ay mapa-flag din iyong mga claims na maaaring sumusobra o iyong maaaring kung tawagin ay may halong kataka-taka kung bakit ganoon kalaki iyong mga claims nila,” pahayag ni Mercado.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Mercado na mapipigilan ang pag-abuso sa pondo ng bayan at matiyak na nagagamit ito sa pagpapagamot ng bawat Filipino.

Si Mercado ay isang US-trained orthopedic surgeon na may 35 taong karanasan sa hospital management.