Sakla

Saklaan sinalakay sa Makati, game over sa 18 katao

Edd Reyes Jul 12, 2024
46 Views

UMABOT sa 18-katao, kabilang ang financer at senior citizen na maintainer, ang naaresto ng pulisya sa sinalakay na saklaan noong Biyernes sa Makati City.

Isinagawa ang pagsalakay ng mga tauhan ng District Special Operations Unit ng Southern Police District (DSOU-SPD) dakong ala-1:00 ng madaling araw sa kanto ng Tengco at Hayes Sts., Brgy. Pio Del Pilar.

Kabilang sa mga nadakip sina alyas Erlinda, 40, umano’y financer ng ilegal na sugal, alyas Fe, maintainer; mga card dealer na sina Roberto, 52, Ronaldo, 37 at Gabriel; mga bantay sa pintuan na sina Oscar, 44, at Lando, 55, helper na si Maria, 38, at 10 mga mananaya, kabilang ang dalawang senior citizens na sina alyas Zenaida, 72, at Dolores, 67.

Ilang araw ding minanmanan ng mga pulis ang nakakapagdudang pagpasok sa naturang bahay ng maraming tao gabi-gabi na tinatanuran ng dalawang bantay.

Nakuha ng raiding team ang ilang set ng Spanish cards na ginagamit sa sakla, listahan ng pumapasok na “tong” sa bawat laro, iba’t-ibang gambling paraphernalia at P11,755 na taya.