Herbosa

Samahan ng mga manggagamot inindorso si Herbosa

289 Views

ININDORSO ng Philippine Medical Association (PMA) nitong Miyerkules si Dr. Teodoro “Ted” Herbosa upang maging Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan.

Si Dr. Herbosa ay naninilbihang tagapayo ng National Task Force (NTF) Against COVID-19. Dahil sa NTF, mababa ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas kumpara sa ibang bansa sa buong Asya, kahit pa dumaan ang isang eleksyon kung saan maraming taong lumabas para bumoto.

Sa liham ng PMA sa papasok na Pangulong Bongbong Marcos, binanggit ng PMA ang karanasan at kakayahan sa larangan ng medisina ni Dr. Herbosa kaya angkop

ang kanyang mga kwalipikasyon sa naturang posisyon.

“Allow us to endorse Teodoro Javier Herbosa, a Life Member of the PMA with vast experience and extensive expertise in Health Care Systems, Public Health, Hospital Administration, Trauma Surgery, Emergency and Disaster Medicine,” ayon sa liham.

Dati ng nanilbihan bilang Undersecretary ng Kagawaran ng Kalusugan si Dr. Herbosa. Siya rin ay nanilbihan bilang dating Executive Vice President ng Unibersidad ng Pilipinas.

Ang PMA ang pangunahing samahan ng mga manggagamot at medical practioners sa Pilipinas. Ito ang kinikilala sa buong mundo na National Medical Association sa Pilipinas at ang natatanging Accredited Professional Organization of Physicians ng Professional Regulatory Commission.

Matatandaan na inindorso rin ni Presidential Adviser Joey Concepcion si Dr. Herbosa bilang isa sa dalawang maaring pagpilian bilang kasunod na Kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan.