Calendar
Lumagda sa kasunduan ang lokal na pamahalaan ng San Antonio, Nueva Ecija at ang Isabela Kidney Care Dialysis Center, Inc. para sa pagtatayo ng PhilHealth-accredited na San Antonio Dialysis Center sa Bgy. Sta. Cruz. Nanguna sa PPP-signing sina Mayor Dr. Angelita Salonga-Esquivel at Joseph Bulanadi, president/CEO ng IKCDC. Saksi sina Dr. Robert Marcelo, municipal health officer, budget officer Armando Cruz, MPDC Augusto Ortiz, IKCDI vice president, Kristine Andrellie Bulanadi at Joefrey John Prieto, director for operations.
San Antonio may accredited dialysis center na
SAN ANTONIO, Nueva Ecija–Isang public-private partnership (PPP) deal ang nabuo sa paglagda ng mga kinauukulang partido para sa pagtatatag, operasyon at pamamahala ng PhilHealth-accredited San Antonio Dialysis Center sa bayang ito sa Brgy. Santa Cruz.
Ang kasunduan sa PPP ay nabuo sa pagitan ng Isabela Kidney Care Dialysis Center Inc. sa Suite 202, JK Building, Brgy. Villasis, Santiago City, Isabela, Mayor Dra. Angelita “Gege” Salonga-Esquivel at Joseph P. Bulanadi, presidente at chief executive officer ng dialysis center.
Sinabi ni Mayor Esquivel-Salonga na nilagdaan ang kasunduan alinsunod sa layunin ng lokal na pamahalaan na magtayo ng isang imprastraktura sa kalusugan at proyekto sa serbisyong panlipunan.
Layon ng kasunduan na matugunan ang mga pangangailangang medikal ng mga taong may end-stage renal disease (ESRD), kabilang ang pagkakaloob ng mga mahahalagang paggamot tulad ng hemodialysis, routine diagnostics, monitoring at mga kinakailangang gamot na kasama sa pakete ng paggamot ng PhilHealth HD.
“Bilang manggagamot, marami kong pasyente na may sakit na diabetes at alam natin ang kahihinatnan nito dahil sa katotohanan, nagkakaroon ng problema sa bato hanggang sa renal failure at ang dialysis ay isang paraan upang matugunan ito,” paliwanag ng alkalde.
Sa ilalim ng kasunduan, ang LGU ay maglaan ng isang gusali sa Brgy. Sta.Cruz na may kabuuang lawak na 250 metro kuwadrado para sa operasyon at pagpapanatili ng isang makabagong hemodialysis center na inilaan para sa kapakinabangan ng mga nasasakupan ng bayan.
Kaugnay nito, binibigyan ang IKCDCI ng responsibilidad sa pamamahala, teknolohiya, kagamitang kapital, makinarya, kumuha ng manggagawa at tauhan at iatang sa kanilang sariling responsibilidad ang pagbibigay ng sweldo dito.
Sa ilalim ng mga alituntunin, magbabayad ang IKCDCI sa LGU ng buwanang upa na P50,000 sa loob ng 10 taon para sa paggamit ng nasabing gusali.
