PCAP Ang San Juan Predators kasama sina team owner Michael Angelo Chua at coach Hubert Estrella.

San Juan bida sa PCAP All-Filipino

Ed Andaya Apr 12, 2022
453 Views

LUMIKHA ng chess history ang San Juan Predators matapos pabagsakin ang mahigpit na karibal na Iloilo Kisela Knights, 16-5 at 10.5-10.5 (2-1) sa kanilang two-match title showdown at maiuwi ang korona sa 2022 PCAP All-Filipino Conference nitong nakalipas na weekend.

Nagpakitang gilas sina United States-based GM Oliver Barbosa, WIM Jan Jodilyn Fronda at dating Asian junior champion IM Ricardo de Guzman para sa Predators, na namayani laban sa Kisela

Knights sa ika-dalawang sunod na pagkakataon sa kanilang nakalipas na tatlong championship battles

Sa pagsungkit ng championship, ang San Juan ang naging kauna-unahan ding team na nanalo ng back-to-back titles sa apat na conferences simula itinatag ang PCAP nun nakipas na taon

Ang Predators nina team owner Michael Angelo Chua at coach Hubert Estrella ay naging winningest team din ngayon sa naturang liga na may dalawang titulo, isang runner-up finish at isang fourth-place finish sa kumpetisyon na itinaguyod ng San Miguel Corporation at Ayala Land

Itinumba ni Barbosa ang kapwa GM na si Rogelio Antonio, Jr., 3-1, kabilang na ang napakahalagang panalo sa kanilang sagupaan na Armageddon, upang tiyakin ang panalo ng San Juan sa makapigil-hiningang three-game playoffs.

Nagpasiklab din sina Fronda, na tinalbugan si WFM Cherry Ann Mejia, 3-0, sa kanilang unang laban, at 2-1, sa ikalawang enkuwentro sa female board; at De Guzman, na nanaig kay NM Cesar Mariano, 3-0 at 2-1, sa senior board.

Ibinigay naman ni FM Narquinden Reyes ang isa pang panalo ng San Juan sa naturang three-game playoffs labansa dating world youth campaigner Karl Victor Ochoa.

Tanging si NM Rolly Parondo, Jr. ang nanalo para sa Iloilo matapos tumabla kay FM Nelson Mariano,na sa Armageddon, ay maituturing na panalo.

Sa kabuuan, nagtala ang San Juan ng 29-5 win-loss record sa elimination round.

Matapos nito, winalis ng Predators ang Isabela Knight Raiders, 13.5-7.5 at 18-3, sa quarterfinals; at Manila Indios Bravos, 16-5 at 15-6, sa semis.

Binigo din ng San Juan ang Pasig PIrates, 11.5-9.5 at 11.5-9.5, sa North finals.

Sa labanan para sa third place, tinalo ng Pasig Pirates ang Davao Eagles, 13-8.

Iginupo ni IM Cris Ramayrat si NM Alex Lupian, 2.5-.5, at niyanig ni NM Eric Labog si NM Henry Lopez, 3-0, para sa panalo ng Pirates.

Ang PCAP, ang una at nag-iisang play-for-pay chess league sa bansa, ay pinamumunuan nina Atty. Paul Elauria as President- Commissioner; Michael Angelo Chua as Chairman; Dr. Ariel Potot as Vice Chairman” at Atty. Arnel Batungbakal as Treasurer.

Ang kumpetisyon ay nasa pamamatnubay naman ng Games and Amusements Board (GAB), sa pamumuno ni Chairman Abraham “Baham” Mitra, at National Chess Federation of the Philippines (NCFP), na pinangungunahan naman ni Chairman/ President Prospero “Butch” Pichay.