Calendar
San Juan, Iloilo magtutuos sa PCAP
MAGTUTUOS ang Northern Division champion San Juan Predators at Southern Division winner Iloilo Kisela Knights sa grand finals ng 2022 PCAP All-FIlipino Conference.
Pinabagsak ng San Juan ang top favorite Pasig Pirates, 11.5-9.5 at 11.5-9.5, sa North finals, habang winalis ng Iloilo ang Davao Eagles, 12-9 at 17-4, sa South upang umabante sa two-game title showdown.
Ito ang ikatlong championship meeting ng San Juan at Iloilo sa apat na conferences simula itatag ang PCAP nung nakalipas na taon.
Namayani ang Iloilo laban sa San Juan, 13-8 at 11.5-9.5, upang masungkit ang 2021GM Wesley So Cup (Second Conference) nung August.
Nakabawi naman ang Predators sa 2021 Open (Third Conference) nung November matapos itumba ang Kisela Knights, 19-2 at 11.5-9.5.
Naungusan din ng Iloilo ang San Juan sa kanilang enkwentro para third place sa 2021 All-Filipino (First Conference).
Sumandal ang San Juan sa mahusay na mga laro nina WIM Jan Jodilyn Fronda, na nanaig laban kay Sherily Cua, 4-2, sa female board; at Narciso Gumila at Narquingel Reyes, na nanayani laban kay Kevin Arquero, 6-0, sa board five upang biguin ang Pasig sa kanilang two-game encounter sa 24-team tournament na itinataguyod ng San Miguel Corpiration at Ayala Land.
Nagtabla naman sina GM Oliver Barbosa ng San Juan at GM Mark Paragua ng Pasig sa kanilang apat na laro para sa 3-3 score, habang humati sa puntos sina IM Rolando Nolte, FM Christopher
Castellano at FM Nelson Mariano III ng San Juan laban kay GM Darwin Laylo ng Pasig.
Si IM Cris Ramayrat ang bukod tanging nagwagi para sa Pasig matapos igupo si IM Ricardo de Guzman ng San Juan, 4.5-.1.5, sa kanilang four-game match.
Nagpakitang gilas din ang Iloilo sa kanilang two-game showdown laban sa Davao para sa South title.
Namayagpag si GM Rogelio Antonio, Jr. laban kina FM Roel Abelgas, 2.5-.5, at FM Sander Severino, 2-1, habang namayani din si Karl Victor Ochoa labang kina Abelgas, 3-0, at Severino, 2.5-.5, para sa koponan ni Leo Sotaridona.
Ang PCAP, ang una at nag-iisang play-for-pay chess league sa bansa, ay pinamumunuan nina Atty. Paul Elauria as President- Commissioner; Michael Angelo Chua as Chairman; Dr. Ariel Potot as Vice Chairman” at Atty. Arnel Batungbakal as Treasurer.
Ang kumpetisyon ay nasa pamamatnubay naman ng Games and Amusements Board (GAB), sa pamumuno ni Chairman Abraham “Baham” Mitra, at National Chess Federation of the Philippines (NCFP), na pinangungunahan naman ni Chairman/ President Prospero “Butch” Pichay.