PCAP

San Juan, Pasig, Camarines, Toledo chessers pasiklab

Ed Andaya May 14, 2024
146 Views

HINDI na napigil ang two-time champion San Juan Predators at Pasig Pirates sa kanilang pag-abante sa semifinal round ng Northern Conference ng Professional Chess Association of the Philippines (PCAP).

Gayundin, nakalusot ang Camarines Eagles at Toledo Trojans sa semis ng Southern Conference.

Winalis ng San Juan ang Cagayan Kings,19.5-1.5, at Rizal Towers, 20-1, habang pinadapa ng Pasig ang Rizal, 14.5-6.5, at Olongapo Rainbow, 15.5-5.5, para sa kanilang 1-2 finish at masungkit ang unang dalawang outright semis berths sa Northern Conference.

Tinapos ng Predators ang elimination round na may 22-3 win-loss record, habang tumabla ang Pirates sa Manila Load Manna Knights sa kanilang parehong 21-4 slates.

Naungusan ng Pasig ang Manila para sa No. 2 spot dahil sa mas mataas na 377.5 toral points laban sa 375.5 points.

Ang Manila, 16-5 winner laban sa Isabela Knights of Alexander sa huling araw ng elimination round, ay lalaro ngayon sa play-in tournament laban sa No. 6 seed Quezon City Simba’s Tribe.

Nakuha ng Quezon City ang kanilang pwesto matapos ang 11-10 panalo laban din sa Isabela.

Sa isa pang play-in battle, maghaharap ang No. 4 Cavite Patriots at No. 5 Cagayan Kings.

Pinabagsak ng Cavite ang Quezon City, 16-5, at Cagayan, 15-6,upang magtapos sa ika-apat na pwesto sa kanilang 20-5 record.

Ang Cagayan ay fifth sa 14-11 kartada.

Sa semis, haharapin ng San Juan ang winner ng enkuwentro ng Cavite at Cagayan.

Sasagupain naman ng Pasig ang mananalo sa Manila-Quezon City duel.

Samantala, pinayuko ng Camarines ang Mindanao Tamaraws, 16-5, upang makuha ang top spot na may 20-5 win-loss slate sa Southern Conference.

Dinaig ng Toledo ang Negros Kingsmen, 16.5-4.5, at Tacloban Vikings, 16-5, upang pumangalawa sa Camarines sa kanilang 17-8 mark.

Sa iba pang inaabangang mga laro, itinumba ng Davao Eagles ang Surigao Fianchetto Checkmates, 11.5-9.,5, at Arriba Iriga, 17.5-3.5, upang sumalo sa Toledo sa second at third.places na may 17-8 record.

Subalit ang mas mataas na record ng Toledo na 328.5 points kumpara sa 303.5 points ng Davao ay sapat na para makuha nila ang No. 2 spot.

Dahil dito, lalaban ang Davao sa No. 6 Tacloban sa isang play-in encounter para sa karapatang labanan ang Toledo sa semis.

Magtutuos din ang Surigao at Iloilo sa isa pang play-in battle, na kung saan ang mananalo ang haharap sa No. 1 seed Camarines sa semis.

Talsik na ang Isabela, Rizal at Olongapo sa Northern Conference; at Negros, Iriga at Mindoro sa Southern Conference.

Ang PCAP, ang una at natatanging play-for-pay chess league sa buong bansa, ay pinangungunahan nina President- Commissioner Atty. Paul Elauria, at Chairman Michael Angelo Chua.

Ang naturang kumpetisyon ay itinataguyod ng San Miguel Corporation, Ayala Land at PCWorx at ginagabayan ng Games and Amusements Board (GAB), sa pangunguna ni Chairman Atty. Richard Clarin.

Standings

Northern Conference

San Juan* 22-3; Pasig* 21-4; Manila** 21-4; Cavite** 20-5, Cagayan** 14-11, Quezon City** 9-16; Isabela 8-17; Rizal 7-18; Olongapo 1-24.

Southern Conference

Camarines* 20-5; Toledo* 17-8, Davao** 17-8; Surigao** 13-12; Iloilo** 12-13; Tacloban** 9-16; Negros 8-17; Iriga 3-22; Mindoro 3-22

* — semis
** — play-in

Mga laro sa Wednesday:

North — Cavite vs. Cagayan, Manila vs. Quezon City.
South — Surigao vs. Iloilo, Davao vs. Tacloban