Calendar
San Miguel, Ginebra walang urungan
INAASAHAN ang umaatikabong aksyon sa gagawing pagtutuos ng heavyweight teams na San Miguel Beer at Barangay Ginebra sa 2022 PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang Beermen at ang Kings, na nakasungkit ng titulo sa 14 sa huling 18 conferences sa kauna-unahang play-for-pay league sa buong Asia, ay maghaharap simula 6 p.m., na kung saan ang winner ay hahawak ng liderato sa 12-team, season-opening conference.
Ang Beermen ay hindi pa natalo sa nakalipas na tatlong laro, na kung saan winalis nila ang Phoenix Super LPG (108-100), NLEX (100-92) at Magnolia Timplados (87-81).
“We really want a strong start. Ayaw na namin laging naghahabol at minsan nga pasang awa lang ang pasok sa playoffs,” pahayag ni San Miguel coach Leo Austria, patungkol sa kanilang 3-0 na simula.
Samantala, ang Kings ay may kartang 3-1 matapos ang come-from-behind 83-75 panalo laban sa NLEX kanakailan
Tinalo din ng Kings ang Blackwater Bossing (85-82) at Rain or Shine (90-85) bago natalo sa Magnolia (84-89).
Masaya si Ginebra coach Tim Cone sa panalo ng Kings laban sa Road Warriors at umaasang magkakaroon sila ng momentum sa kanilsng enkuwentro laban sa June Mar Fajardo-led Beermen.
“It’s a big win as we face a super strong San Miguel Beer team Friday, and you don’t want to get there coming from two losses. The win gives us an opportunity to come in with some momentum and confidence,” sabi ni Cone sa panayam na nailathala sa official PBA website.
Sa 3 p.m. curtainraiser, susubukan ng Phoenix na mahagip ang ikatlong dikit na panalo sa gagawing laban sa injury-hit Magnolia Chicken Timplados.
Matapos mabigo sa unang dalawang laro laban sa San Miguel (100-108) at TNT (98-109), bumuwelta ang Fuel Masters para pataubin ang Terrafirma (97-74) at Rain or Shine (106-102).
Ang Magnolia ay may tangang 2-3 record, na kung saan tinalo nila ang NorthPort at Ginebra.