Calendar
Sandro Marcos: Pagdinig sa impeachment vs PBBM dapat pahintulutang umusad nang malaya
SINABI noong Huwebes ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte na umiwas siya sa buong proseso ng impeachment na kinasasangkutan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at binigyang-diin na dapat pahintulutang umusad ang mga pagdinig nang malaya at mahigpit na naaayon sa itinatakda ng Konstitusyon.
“Ako ay umiwas na sa buong proseso ng impeachment na kinasasangkutan ng Pangulo,” ani Marcos.
Nilinaw niya na saklaw din ng kanyang pag-iwas ang House Committee on Justice, kung saan siya ay may tungkuling ex officio dahil sa kanyang posisyon.
“Ang aking pag-iwas ay sumasaklaw rin sa Committee on Justice, kung saan ang aking papel ay limitado lamang bilang ex officio bunga ng aking posisyon bilang Majority Leader,” ani Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos na dapat pahintulutan ang Committee on Justice na gampanan ang tungkulin nito nang walang panghihimasok, alinsunod sa Konstitusyon at sa mga patakaran ng Kamara.
“Isasagawa ng Committee on Justice ang mandato nito nang malaya at ganap na naaayon sa Konstitusyon at sa mga Alituntunin ng Kamara,” ani Marcos.

