Just In

Calendar

April 2025
M T W T F S S
 123456
78910111213
14151617181920
21222324252627
282930  
Police

Sanggol na iniwan sa toilet tinulungan ng bebot na parak

Alfred Dalizon Mar 8, 2025
55 Views

TINULUNGAN ng babaeng pulis sa Camalaniugan, Cagayan ang bagong silang na sanggol na babae na ipinalalagay na iniwan ng kanyang ina sa toilet ng gas station sa lugar noong Pebrero 17.

Nasagip ang sanggol sa toilet ng Save Oil Gasoline Station sa Brgy. Bulala, Camalaniugan dakong alas-8:45 ng umaga, ayon kay PNP Public Information Office chief, Colonel Randulf Tuaño.

Unang rumesponde si Police Master Sergeant Eileen Malazzab sa nasabing gasolinahan nang malaman na may iniwang sanggol doon.

Natagpuan niya ang sanggol na walang saplot at walang malay sa sahig ng palikuran kaya humingi siya ng tulong sa kanyang team at dinala ang sanggol sa Matilde A. Olivas District Hospital.

Nakikipag-ugnayan na sa mga kinauukulang ahensya ang ospital upang matukoy ang ina ng sanggol.

Pinuri ni Gen. Marbil ang policewoman mula sa Cagayan province sa mabilis na pagtugon sa tawag ng serbisyo.

“Ang kagitingan at malasakit na ipinamalas sa pagsagip na ito na sumasalamin hindi lamang sa dedikasyon ng Philippine National Police (PNP) sa pagprotekta sa bawat Pilipino, kundi pati na rin sa hindi matatawarang serbisyo ng ating mga babaeng tagapagpatupad ng batas.

Sa pagdiriwang ng National Women’s Month, nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa lahat upang ipakita ang tapang, malasakit, at walang pag-iimbot na paglilingkod sa kapwa,” ayon sa hepe ng pulisya.

Patuloy ang PNP sa pagsusulong ng kapakanan ng mga kababaihan at kabataan, na nagsisilbing sandigan ng proteksyon at seguridad sa ating komunidad.