Huli

Sangkot sa bentahan ng boga nalambat sa Navotas

Edd Reyes Mar 22, 2025
20 Views

NASAKOTE sa entrapment ng mga pulis ang dalawang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na bentahan ng baril noong Huwebes sa Navotas City.

Dinakip ng mga tauhan ni Navotas Police Chief P/Col. Mario Cortes sina alyas John Rey Liit, 24, at alyas Oblong, 37, nang tanggapin ang markadong salapi kapalit ng dalawang .9mm pistol.

Naganap ang transaksiyon dakong alas-11:50 ng gabi sa Road-10, Brgy. NBBS-Proper nang pumayag ang dalawa sa alok na P30,000 nina P/SSg. Galicia at P/Cpl. Salanap ng Intelligence Section ng Navotas police para sa dalawang kalibre .9mm pistol.

Nakumpiska ng mga pulis sa dalawa ang isang X9 9mm Para pistol na may magazine, isang .9mm pistol, pitong bala, markadong salapi na kinabibilangan ng limang genuine na P1,000 at 24 na piraso ng boodle money at Toyota Avanza (NHR-3058).

Sinampahan na ang dalawa ng kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Act) in relation to Omnibus Election Code sa Malabon City Prosecutor’s Office.