Atty. Jeff Coronel

Sara Duterte: Ang Balakid ng Sexist Card

Jeff Coronel Apr 22, 2022
288 Views
sara
Masayang nagbibigay ng kanyang mensahe ng pagkakaisa si Lakas-CMD/HNP vice presidential candidate, Davao City Mayor Sara Duterte sa libo-libong supporters sa ginawang UniTeam grand rally Huwebes ng gabi sa Biñan Football Field sa Biñan City, Laguna. Kuha ni VER NOVENO

TALAMAK ang paggamit ng sexist card ng mga Kakampink laban sa ibang presidentiables sa tuwing binabatikos si VP Leni. Dumating sa puntong ginamit ito sa layuning maimpluwensyahan ang boto ng iilang botante lalo na ng mga kababaihan at sa mga sumusulong sa karapatan nila. Ang argumento ng mga gumagamit ng sexist card ay ang bawat atake laban kay Leni ay atake sa kakayahan ng kababaihan na mamuno at ang pagpili kay Bongbong Marcos bilang pangulo ay tanda ng pananatiling sexist ng kulturang pinoy.

Sa bawat batikos at pagpuna sa bise presidente, patuloy na ginagamit ang sexist card at kamakailan lamang kasunod ng Press Conference ng ilang presidentiable sa Manila Peninsula ay ginamit na naman ito isang babaeng pinagtutulungan ng kalalakihan, pagpapakita ng kulturang machismo at ang misogynistic na atake ng mga kalaban.

Marahil sa isip ng campaign team ni Leni Robredo, ang sexist card ay nag-iisang mabisang argumento upang makakuha ng mas maraming boto at depensehan ang bawat pag atake sa kanilang kandidato. Maaaring ang estratehiyang ito ay epektibo, depende sa paggamit, subalit isang Sara Duterte, ang nananatiling hadlang sa sexist card strategy ng mga Kakampink.

Ang pamamayagpag ni Sara Duterte sa mga survey at ang tayog ng kanyang popularidad sa mga botante ay diretsahang nagpapasinungaling sa argumento na ang botanteng pinoy ay natural na sexist. Bilang nag-iisang babae na tumatakbong bise-presidente ngayong halalan, pinakita ng popularidad ni Sara na ang mga Pinoy ay bumuboto na hindi bumabase sa sekswalidad ng isang kandidato.

Ang popularidad ng isang Sara Duterte, kauna-unahang babaeng alkalde ng Lungsod ng Dabaw, ay pagpapatunay na matagal nang natapos ang panahon ng pagturing sa mga kababaihan bilang pangalawang uri ng mamamayan, at higit sa lahat, nagpapatunay ito na handa ang sambyanag Pilipino na pamunuan muli ng isang babae.

Sa isang popular na Facebook post, ginawang epilogo ang pagka “boyish” ni Sara na sinasabing dahilan kung bakit gusto siya ng mga Pilipinong sexist. Ang kaganapan ng pagsuntok sa isang sheriffat ang pagpili niya sa mga posisyong panglalaki tulad ng paghahangad na maging kalihim ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa ay diumanoy indikasyon ng machismong perspektibo ng alkalde.

Pero hindi ito binili ng nakararami, kaya ang naratibong ito ay hindi na muling ipinilit pa ng mga nasa kabilang kampo. Subalit patuloy ang kanilang sexist card strategy at patuloy ding nagiging balakid dito si Sara Duterte. Maaaring pwede pang gamitin ito sa mga kalabang presidentiable, pero hindi ito kailanman pwedeng gamiting muli laban sa mga botante dahil sa isang Sara Duterte.

Pinasinungalingan ng kasaysayan ang nosyon ng mga Kakampink na ang botanteng Pinoy ay laban sa kababaihan sa pagkapanalo nila Cory at GMA sa mga nakaraang dekada. Pinasisinungalingan itong muli ng isang Sara Duterte na kahit pilit na hinihila pababa ng mga nagtatangkang agawin ang boto ng masa, ay patuloy na umaangat.