Atty. Jeff Coronel

Sara Duterte: Pulitika at Tadhana

Jeff Coronel Feb 12, 2022
560 Views

KILALA ng marami bilang matapang at palaban na mayor ng Davao City. Napag-usapan ng buong bansa ng manuntok ng sheriff na hindi sumunod sa pakiusap niyang huwag munang ituloy ang demolisyon sa isangbarangay, at nagpakalbo para himukin ang ama na tumakbo bilang presidente noong 2016. Ngayon, ang “first daughter” ay ang isa sa mga pinakamalakas at maimpluwensyang personalidad sa larangan ng pulitika sa bansa—ang pinakanangunguna sa pagtakbo bilang Presidente ng Pilipinas na piniling tumakbo bilang bise-presidente.

Nakakagulat ang mga naging desisyon ni Inday Sara nitong mga nakaraan, subalit masasabing hindi ito nakakapagtaka. Ang political na kasaysayan ng Mayor ng Davao City ay larawan ng radikal na relasyon sa posisyon at kapangyarihan—hindi kailanman naghabol, kundi kusang binigay ng tadhana at ng publiko. Masasabing iba ang pulitika ng isang Sara Duterte.

Ang pagiging doktor ang unang pangarap ni Inday Sara, kahit pa lumaki siya sa isang pulitikal na pamilya. Nagtapos ng BS Respiraory Therapy sa San Pedro College at abogasya sa San Sebastian College- Recoletos noong 2005. Kasunod ng pagpasa sa BAR Exam ng 2005 nagtrabaho siya bilang isang abogado sa ilalim ni Supreme Court Associate Justice Romeo Callejo Sr.

Una siyang sumabak sa pulitika bilang Bise-Mayor noong 2007. Pagkatapos ng isang termino, nahalal siyang Mayor ng Davao City noong 2010. Siya ang pinakabatang naging punong ehekutibo ng lungsod at ang kaunaunahang babaeng humawak nang nasabing posisyon. Nagbigay-daan siya sa kanyang ama upang maging mayor ulit noong 2013 at bumalik sa posisyon noong 2016 matapos mahalal na presidente si Pres. Rodrigo Duterte.

Sa panunungkulan ni Mayor Sara Duterte sa Davao, naging mas masigla ang local na ekonomiya dahil mas binigyang diin niya ang pagpapasigla ng pamumuhunan sa lungsod. Kung si Presidente Rody Duterte ay nagpokus sa Peace and Order,si Mayor Sara naman ay sa Economy and Social Welfare. Patuloy na tumaas ang pamumuhunan sa Davao City sa pagpasok ng mga negosyante. Ang lungsod ay naging sentro ng komersyo sa Mindanaw at naging mas maganda ang ugnayan ng siyudad sa mga dahuyan. Sa ilalim ng kanyang pamamahala naitatag niya ang Peace 911 na tuluyang nagtapos sa problema ng mga rebelde sa distrito ng Paquibato. Binuo niya rin ang Byaheng DU30 na naglalahad ng prayoridad ng kanyang administrasyon, binuksan ang Disaster Radio sa Davao City at nagtayo ng mga bagong tanggapan ng mga ahensya ng lokal na pamahalaan. Imprastraktura, ekonomiya, disaster preparedness at pagpapanatili ng kaayusan ang naging tatak ng kanyang pamumuno.

Bukod dito, naging kilala ang pangalang Sara Duterte, hindi lamang bilang isang presidential daughter kundi bilang isa sa mga tinitingalang political personality sa bansa. Ang kanyang mga matatapang na pagharap sa mga intriga at patuloy na pagtulong sa ibang mga lungsod na dinaanan ng sakuna ay nagpatibay ng kanyang integridad bilang ginagalang na public servant.

Si Mayor Sara Duterte ang nagtayo ng Tapang at Malasakit Movement at ang kinikilalang local party ngayon na Hugpong ng Pagbabago. Sa ilang mga buwan bago ang pag-file ng kandidatura para sa 2002 National Elections, si Inday Sara ang pinulsohang pinakamalakas na kandidato upang humalili sa kanyang ama. Maraming national personalities ang bumisita sa Davao City upang hingin ang kanyang basbas at suporta—isang pangyayaring hindi tipikal sa kasaysayan- isang mayor ang pinakasinusuyong personalidad sa eleksyong nasyonal. Maraming parallel groups at ibang mga pangkat ang nabuo dahil sa kagustuhan ng publiko na tumakbo siya bilang presidente. Sa tingin ng marami, sigurado na ang kanyang panalo.

Subalit pinili ni Inday Sara na tumakbong bise-presidente sa ilalim ng LAKAS-CMD at hindi sa ilalim ng PDP-LABAN na political party ng kanyang ama. Doon pa lang pinapatunayan na ni Sara na mayroon siyang pulitikal na paninindigan na hindi naiimpluwensyahan ng kahit sino man. Mas pinili niyang iendorsong presidente si dating senador Bongbong Marcos. Ngayon, isa siya sa may pinakamaraming political party endorsement sa kasaysayan ng bansa.

“You Were Born to Work for This Country,” ang aral ng kanyang ama na nananatili sa puso at isipan ng isang Sara Duterte—ang Agila ng Hilaga.