Sarah G.

Sarah G. tampok sa FIBA World Cup opening

Ed Andaya Jul 20, 2023
172 Views

HINDI lang basketball ang matutunghayan sa opening day ng 2023 FIBA Basketball World Cup sa Philippine Arena sa Bulacan sa darating na Aug. 25.

Mapapanood din ang mga world-class Filipino performers, sa pangunguna ni “Asia’s Popstar Royalty” Sarah Geronimo, sa isang makulay at magagarang Filipino culture-inspired entertainment number sa inaasahang record-breaking opening-day crowd.

Si Geronimo, na napili ng Forbes bilang isa sa Asia’s 100 most influential pop stars nung 2020, ay magpapabilib sa kanyang mga signature energetic performances. Magpapakitang gilas din ang popular band The Dawn at streaming sensation Ben & Ben kasama ni Geronimo.

Inanunsyo ng organizing Samahang Basketbol ng Pilipinas na ang mga nasabing production number ay magaganap matapos ang sagupaan ng top-ranked Italy at Angola simula 4 p.m. at bago ang highly-anticipated encounter ng Gilas Pilipinas at ng Karl-Anthony Towns-led Dominican Republic sa 8 p.m.

Umaasa ang SBP na ang blockbuster doubleheader at ang grandyosong entertainment number na pangungunahan ni Geronimo ay sapat upang magtala ng attendance record sa FIBA Basketball World Cup game.

Ang kasalukuyang FIBA World Cup attendance record ay nakatakda sa 32,616.

Makikita din sa 55,000-seater Bocaue, Bulacan venue ang mga booths ng iba’t ibang local at global event partners.

Isa ang Pilipinas sa tatlong host countries para sa FIBA World Cup.

Dadayo sa Pilipinas para maglaro ang China, Egypt, Greece, Jordan, Lithuania, Mexico, Montenegro, New Zealand, Puerto Rico, Serbia, South Sudan, at United States sa group phase, na kung saan ang SM Mall of Asia sa Pasay at Smart Araneta Coliseum sa Quezon City ang mga playing venues.