Saranggani Pakitang gilas si Kyt Jimenez sa panalo ng Sarangani Gripper Motorcycle Tire.

Sarangani hindi napigil ng Cebu

Robert Andaya Jun 6, 2025
47 Views

NAGPASIKLAB mula simula hanggang matapos ang Sarangani laban sa Cebu, 119-95, sa pagpapatuloy ng aksyon sa Manny Pacquiao presents 1xBet-MPBL 2025 Season sa Cuneta Astrodome sa Pasay.

Sa pangunguna nina Kyt Jimenez at King Destacamiento, kaagad umabante ang Sarangani, 35-19, sa first quarter upang itala ang kanilang unang back-to-back wins sa round-robin elimination phase ng 30-team tournament.

Si Jimenez, na siyang may hawak ng nag-iisang quadruple-double sa MPBL, ay nagtala ng 23 points, kabilang ang seven triples, 11 rebounds, 7 assists at 4 steals.

Nasungkit din ni Jimenez ang “Best Player of the Game” honors laban sa teammate na si Destacamiento, na may 21 points, 13 sa first period, 8 rebounds, 5 assists, 2 steals at 2 blocks.

Nakatuwang nila para sa Grippers ni coach John Kallos sina Lars Sunga (19 points, 5 rebounds, 3 assists); Martin Gozum (15 points, 2 assists); Jeymark Mallari (12 points, 7 assists, 2 rebounds); at Coy Alves (11 points, 8 rebounds, 4 steals, 2 assists).

Nalasap ng Cebu ang ikatlong dikit na kabiguan sa kabila ng 22-point, 8-rebound, 7-assist at 2-steal effort ni Jeco Bancale.

Nakakuha din ang Cebu ng 15 points at 5 rebounds mula kay Dolan Adlawan, 14 points, 8 rebounds at 6 assists mula kay Brylee Ivan Meca, 13 points, 5 rebounds, 5 assists at 3 steals mula kay Dennis Santos, and 10 points, 3 rebounds at 2 assists mula kay Jameson Hiro.