Calendar

Sasakyan iparehistro agad — LTO
HINIKAYAT ng Land Transportation Office (LTO) ang mga may-ari ng delingkuwenteng sasakyan na agad iparenew ang kanilang rehistro sa gitna ng nagpapatuloy na agresibong operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan sa buong bansa.
Sa buwan pa lamang ng Marso ngayong taon, umabot na sa 18,882 sasakyan ang nahuli, na may kaukulang multa na P10,000.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pinaigting na kampanyang ito ay bahagi ng mas malawak na hakbang upang masiguro ang kaligtasan sa kalsada, alinsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Vince B. Dizon na palakasin ang proteksyon para sa lahat ng gumagamit ng lansangan.
“Ramdam na ng publiko ang presensya ng ating mga tauhan sa mga lansangan sa buong bansa. Mas lalo pa naming paiigtingin ang kampanyang ito kapag natapos ng ating mga enforcer ang refresher courses na kasalukuyan naming isinasagawa,” ani Asec Mendoza.
“Kaya pakiusap sa ating mga motorista, tiyakin ninyong updated ang rehistro ng inyong sasakyan dahil kapag nahuli kayo, mas malaki ang gagastusin ninyo sa pagbabayad ng multa,” dagdag pa niya.
Batay sa datos ng LTO, motorsiklo ang may pinakamaraming nahuli na may 11,437 apprehensions, sinundan ng tricycle (3,315), van (2,056), at pribadong sasakyan (1,059).
Pinakamarami sa mga nahuli ay mula sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), sa pangangasiwa ng kanilang Regional Director Elmer J. Decena.
Kamakailan, inilunsad ng LTO ang kampanyang “Stop Road Crash” para sa kaligtasan sa kalsada. Ayon kay Asec Mendoza, bahagi ng kampanyang ito ang pagpapatupad ng mas mahigpit na aksyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan.
Ipinaliwanag din niya na ang pagpaparenew ng rehistro ng sasakyan ay isang mahalagang paraan upang matiyak ang pagiging roadworthy ng mga sasakyan, dahil bahagi nito ang pagsusuri sa kondisyon ng mga ito.