Calendar
Satisfaction, trust ratings ni VP Sara patuloy sa pagbulusok
TUMAAS ang satisfaction at trust ratings ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang bumagsak naman ang ratings ni Vice President Sara Duterte, batay sa resulta ng survey ng Tangere ngayong buwan.
Ang satisfaction rating ni Duterte ay bumaba sa 47.5 porsiyento sa Nobyembre mula sa 48 porsiyento noong Oktubre, samantalang ang kanyang trust rating ay bumaba sa 55.5 porsiyento mula sa 56 porsiyento.
Pero tumaas din ang kanyang dissatisfaction rating, mula sa 35.9 porsiyento ay naging 36.5 porsiyento, at ang kanyang distrust rating, mula sa 25 porsiyento ay naging 26.5 porsiyento.
Ang Central, Northern at Southern Luzon at Bicol Region ang pangunahing nagtulak ng pagtaas ng kanyang dissatisfaction at distrust ratings.
Samantala, tumaas ang satisfaction rating ni Pangulong Marcos sa survey na ginawa ngayong Nobyembre sa 47.30 porsiyento, mula sa 46.9 porsiyento na naitala noong Oktubre. Pati ang trust rating niya ay naging 59.6 porsiyento mula sa 59.3 porsiyento. Ang mga ito’y itinulak pataas ng Northern at Central Luzon.
Pinakamataas ang distrust ni Pangulong Marcos sa Davao Region at Northern Mindanao.
Tumaas din ang satisfaction rating ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na naitala sa 47.3 porsiyento sa Nobyembre mula sa 46.8 porsiyento noong Oktubre, at ang trust rating nito na naging 57.4 porsiyento mula sa 57 porsiyento.
Ang pagtaas ay nanggaling sa pag-angat ng ratings nito sa Northern at Central Luzon at sa Eastern Visayas.
Gaya ni Pangulong Marcos, pinakamataas ang distrust at dissatisfaction rating ni Romualdez sa Davao Region at Northern Mindanao.
Si Senate President Francis Escudero naman ang nakapagtala ng pinakamataas na rating. Ang kanyang satisfaction rating ay 52.5 porsiyento at ang kanyang trust rating ay 61.3 porsiyento.
Pinakamababa naman ang trust at approval rating ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo.
Isinagawa ang survey noong Nobyembre 19–22 gamit ang mobile-based application sa 2,000 respondents.