Adiong Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong

SCAM SA CONFI FUND INILANTAD

28 Views

ISINIWALAT ng isa sa mga lider ng Kamara de Representantes ang sistematiko at sadyang pambubudol diumano gamit ang mga pekeng acknowledgment receipt (AR) na isinumite para bigyang katwiran ang paggastos sa P612.5 milyong confidential fund na ipinagkatiwala kay Vice President Sara Duterte.

“Tayo po ay na-scam sa pamamagitan ng libo-libong [ARs] na basta-bastang dinoktor at gawa-gawa lang,” ani Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong sa kanyang presentasyon sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability ng Lunes.

Ibinunyag din ni Adiong ang mga pangalang “Milky Secuya,” “Alice Crescencio,” “Sally” at “Shiela” na ginamit umano sa mga AR upang bigyang katwiran ang paggastos ng confidential funds, na katulad ng pangalang “Mary Grace Piattos” ay wala sa database ng Philippine Statistics Authority (PSA)

Inakusahan ng mambabatas ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Duterte sa paggawa ng halos 5,000 ARs para pagtakpan umano ang kinukuwestyong paggamit ng pondo ng bayan.

Tinukoy nito kung paanong ang P125 milyong confidential funds na ibinigay sa OVP noong Disyembre 21 hanggang 31, 2022, ay may kalakip na mga resibo na puno ng iregularidad, kasama ang petsa na hindi sakop ng panahon ng pagbibigay ng pera, pinekeng mga lagda at hindi totoong mga pangalan.

Ayon pa kay Adiong, marami sa mga pangalan na lumabas ay hindi totoo.

Isa dito si “Milky Secuya” na lumagda sa dalawang AR na nilagdaan sa iisang araw, gamit ang iisang panulat ngunit may magkaibang lagda.

Ganito rin ang kaso ni “Alice Crecensio” na nasa tatlong AR na nilagdaan sa Pasay City, Iligan City at Lanao del Sur sa loob ng isang araw, bagay na imposibleng mangyari.

“Itong pangalan po na ito ay hindi pangkaraniwan, and the chances of three different ‘Alice Crescencios,’ all receiving confidential funds for different purposes from the DepEd, is extremely slim,” sabi ni Adiong.

Dumagdag din sa mga kuwestyonableng pangalan sina “Sally” at “Shiela” na may magkaparehong lagda sa AR na pinirmahan sa magkaibang lugar na 400 kilometro ang layo sa isa’t isa.

“It makes you think: what are the chances that two different people, from Digos City and Surigao City, have the exact same signature?” tanong ni Adiong.

Binalikan din ng mambabatas si “Mary Grace Piattos” na una nang lumutang na pangalan dahil sa kombinasyon ito ng isang kilalang kainan at sitsirya na nauna nang sinabi ng PSA na walang record.

Tinukoy din nito muli si “Kokoy Villamin” na kapwa nakalista na tumanggap ng confidential fund mula sa OVP at DepEd.

Magkaiba ang lagda ni Villamin sa dalawang AR at nang tingnan din ng PSA ay walang ganitong tao sa kanilang record. “Hindi talaga ito totoong tao,” ani Adiong.

Sa kabuuan, 405 sa 677 na pangalan na nakalista sa AR ng DepEd ang walang record na lalong nagdiin sa pagkuwestyon sa pagiging totoo ng mga nalalabing resibo.

Pinuna rin ni Adiong ang paggamit ng kulay asul na tinta sa mga resibo na patunay na iisang indibidwal lang ang gumawa ng naturang mga dokumento.

“Ang mas kapanipaniwala ay only one person made these [ARs],” giit niya kasabay ng patukoy sa pagkakapareho ng mga sulat kamay sa mga resibo.

Ang iba pa sa mga sulat kamay ay magkakaiba ngunit iisa ang pirma na nagsasabing pineke ito.

Nilabag aniya ng mga pekeng AR na ito ang Joint Circular 2015-001, na siyang panuntunan sa paggamit at dokumentasyon ng confidential funds.

Batay sa circular, kailangan na ang mga AR na ito ay nakatago sa isang secured vault at isusumite sa isang selyadong envelope. Ngunit dahil sa pineke ito, wala aniyang saysay ang naturang mga resibo.

“Para sa’n pa kaya ang security measures in place sa Joint Circular kung code names lang rin pala ang gagamitin?” tanong ni Adiong na hindi tinanggap ang paliwanag ng mga kinatawan ng OVP na code name ang mga pangalang ginamit.

Marami rin sa mga AR aniya na ito ay may petsa na labas sa funding period, kung saan ang iba ay may petsa bago pa man inilabas ang confidential fund.

Tahasan ding tinukoy ni Adiong si Vice President Duterte na may pananagutan sa insidente ay siyang “mastermind” diumano ng operasyon.

Ang mga pondo, ani Adiong, ay ibinigay sa dalawa sa security team ni Duterte at hindi na matukoy kung saan napunta ang pera. Kaya aniya kinailangan pekein ang mga AR para makasunod sa audit requirements.

“There is only one person in the middle of the issues surrounding the anomalous utilization of confidential funds—the mastermind, Vice President Sara Duterte,” aniya.

Hiniling ni Adiong sa mga kapwa mambabatas nito na tugunan ang kakulangan o butas sa pamamahala ng confidential funds upang maiwasan na ang mga pang-aabuso.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangan sa accountability at pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan.

“If we, as lawmakers, do not address these gaps in the law, we risk enabling further abuses of power,” babala ni Adiong. “This is exactly what we, as lawmakers, have done here.”