Laurel1

Sec. Laurel inaprubahan P3K fuel subsidy para sa mga magsasaka

Cory Martinez Jul 7, 2024
102 Views

INAPRUBAHAN ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang pamamahagi ng P3,000 fuel subsidies simula sa huling parte ng Hulyo sa may 160,000 na magsasaka na nagmamay-ari o umuupa ng makinarya para sa pagsasaka at pag-aalaga ng paghahayupan at pagmamanukan.

Sa isang memorandum order, sinabi ni Tiu Laurel na layunin nito na mabawasan ang financial burden ng magsasaka sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa ilalim ng proyekto, makakatanggap ang bawat magsasaka na naka-rehistro ang pansakang makinarya sa Registry System for Basic Sectors of Agriculture ng P3,000 fuel subsidy.

Ipapamahagi ang subsidy sa pamamagitan ng assistance card na ibibigay ng Development Bank of the Philippines (DBP) at ang mga financial technology partner nito.

Naglaan ang pamahalaan ng kabuuang P510.447 milyon para sa fuel subsidy project sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act.

Ang DA ang siyang mamamahala sa implementasyon ng proyekto sa pamamagitan ng Bureau of Agricultural and Fisheries Engineering at Regional Field Offices.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel ang kahalagahan ng nasabing proyekto dahil bahagi ito ng mga programa ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan ang mga magsasaka.

“This is just one of the several assistance projects that the Marcos administration provides to ease the burden of our farmers, the unsung heroes of our economy and the main pillar of our food security goal,” ani Tiu Laurel.

Ang pamamahagi ng mga subsidy sa benipisaryo base sa sertipikasyon ng Department of Energy na ang average monthly price ng Dubao crude oil kada barrel aabot sa $80, base sa Mean of Platts Singapore.

Ayon sa market data mula Hunyo 3 hanggang Hulyo 1, 2024, ang presyo ng Dubai crude oil patuloy na lumalampas sa $80 per barrel at pataas-pababa sa pagitan ng $78.48 at $86.50.