Manalo

Sec. Manalo kinatawan ng Pinas sa G7 meeting sa Italy

Edd Reyes Nov 19, 2024
36 Views

TUMULAK na patungo Italya si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo upang lumahok sa pinalawak na Group of Seven Ministerial Meeting na gaganapin sa Nobyembre 25 at 26, 2024.

Ang pag-alis sa bansa ni Manalo ay bilang tugon niya sa imbitasyon ng Italian Foreign Minister Antonio Tajani kung saan ang Italya ang humahawak sa rotating G7 Presidency ngayong taon.

Inaasahang makikipagpalitan ng pananaw ang Kalihim sa usapin ng Indo-Pacific regional security sa kanyang mga kapuwa Ministrong Panlabas ng Italya, Canada, France, Germany, Japan, United Kingdom, at Estados Unidos kung saan ang European Union ay kumakatawan din sa pagpupulong ng G7.

Sa kanyang gagawing pagbisita, nakatakda ring makipagkita si Secretary Manalo kay Archbishop Paul Gallagher, ang Holy See’s Secretary for Relations ng mga Estado at makikipagpulong din siya sa mga senior official ng Italya upang ayusin ang bilateral cooperation.

Nakatakda ring makipagkita ang Kalihim kay Qu Dongyu, ang Director General ng Food and Agriculture bago dumalo sa pananghaliang itataguyod ng Mirei Exhibit.

Bago bumalik ng bansa, makikipagkita muna si Secretary Manalo sa mga miyembro ng Filipino Community kapag natapos na ang kanyang paghahatid ng kaalaman sa pagtuturo sa Sapienza University of Rome.