Tulfo ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo Source: Erwin Tulfo FB

Secret pact ng ex-Duterte admin at China sa Ayungin Shoal sila lang ang nakaka-alam

160 Views

TANGING si dating Pangulong Rodrigo Duterte lamang umano ang makasasagot kung totoo ang ulat na pumasok ito sa isang sikretong kasunduan sa China kaugnay ng dalas ng resupply mission sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.

Sa isang regular na press conference sa Kamara, natanong si House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo kaugnay ng ulat na nangako umano ang administrasyong Duterte na hindi na susuportahan ang BRP Sierra Madre.

“Siguro po ang right person na sasagot ho diyan ay ang dating pangulo. Kasi hindi naman ho ako, kami, privy, maging ang administrasyon po na ito,” ani Tulfo.

“So maganda po siguro, the former president will answer that kung meron bang kasunduan. Kasi I believe before, previously, sinasabi nila wala, dineny nila ‘yung sa Ayungin Shoal na yan,” dagdag pa nito.

Ayon sa ulat, isang diplomat ng China ang source ng impormasyon.

Batay sa ulat, ang nais ng China ay huwag magpadala ang Pilipinas ang mga materyales upang mapalakas o mapagtibay ang Sierra Madre, ang barko na sinadyang pinasadsad sa Ayungin Shoal upang maging kampo ng mga sundalo.

“It would be better, and the right person to ask that question and answer it is ‘yung dating pangulo,” dagdag pa ni Tulfo.

Matatandaan na hinaharang ng mga sasakyang pangdagat ng China ang resupply mission ng Armed Forces of the Philippines (AFP) patungo sa BRP Sierra Madre.