Sekyu

Sekyu umaming nangholdap dahil sa pagkalulong sa sugal

Edd Reyes Feb 22, 2025
14 Views

TIMBOG ang 50-anyos na sekyu nang holdapin at tangayin ang salaping kita ng isang tindahan ng mga produktong pampaganda Miyerkules ng gabi sa Taguig City.

Armado ng kalibre .38 revolver ang suspek na si alyas “Ronald” nang pasukin ang tindahan ng 32-anyos na ginang sa C5 Service Road, Brgy. Pinagsama dakong alas-7:55 ng gabi at puwersahang tinangay ang P3,620 na kita ng tindahan.

Nang tumakas ang suspek, dito na nagsisigaw na humingi ng tulong ang ginang na nakatawag pansin sa nagpapatrulyang Barangay Security Force na silang humingi ng tulong sa Taguig Police Sub-Station 3 sa pagtugis sa holdaper.

Sa ulat ng tanggapan ni Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena, nasakote ang suspek at nabawi sa kanya ang tinangay na salapi, kabilang ang hindi lisensiyadong kalibre .38 revolver na may kargang tatlong bala na gamit niya sa panghoholdap.

Katuwiran ng suspek sa pulisya, nagawa niyang mangholdap bunga ng labis na pagkalulong sa sugal na dahilan upang mabaon siya ng husto sa pagkakautang.

Kasong robbery hold-up, paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Omnibus Election Code ang ihahain ng pulisya sa Taguig City Prosecutor’s Office laban sa suspek.