Khonghun Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun

Sen. Bato hinamon na wag magtago sa proteksyon ng Senado, harapin imbestigasyon ng quad comm

91 Views

HINAMON ng isang kongresista si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na huwag magtago sa proteksyon ng Senado at humarap sa imbestigasyon ng quad committee ng Kamara de Representantes.

Ayon sa miyembro ng Young Guns ng Kamara na si Zambales Rep. Jefferson “Jay” Khonghun dapat sagutin ni Dela Rosa ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Bilang isa sa mga miyembro ng Quad Comm, sana huwag ng magtago si Sen. Bato dela Rosa sa haligi ng Senado. Harapin iyong mga alegasyon at sagutin iyong mga issues, lalung-lalo na patungkol sa EJKs,” ani Khonghun sa press briefing sa Kamara nitong Martes.

“Dahil siya lang ang magbibigay linaw sa mga issue na bumabalot kung ano ang nangyari talaga noong panahon ni Pangulong Duterte, dahil si Senator Bato ang arkitekto ng war against drugs noong panahon na iyon,” dagdag pa nito.

Si Dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) ng ipatupad ng administrasyong Duterte ang war on drugs campaign nito kung saan libu-libong indibidwal ang pinaslang.

Nauna ng sinabi ni Dela Rosa na sirang plaka na ang imbestigasyon ng quad comm.

Sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Khalid Dimaporo na mahalaga ang naging papel ni Dela Rosa sa war on drugs kaya dapat lamang na sagutin nito ang mga alegasyon.

“Si Senator Bato was in charge of Oplan Double Barrel. So, whether or not there were extrajudicial killings, we’ll leave that to the courts to determine,” sabi ni Dimaporo.

“On my part, there’s nothing wrong with us doing our jobs. You say paulit-ulit, that’s because the problem is never being resolved … Now, human rights is given a platform to become center stage, to be reviewed and looked upon kung talaga bang may violations,” dagdag pa nito.

“Now, we have champions like Chairman Benny who is reviewing human rights violations with the budget of Congress being utilized, determining whether or not there’s a substantial fact na may EJK sa Pilipinas,” wika pa ni Dimaporo.

Sinabi naman ni Nueva Ecija Rep. Mika Suansing na hindi maaaring isantabi na lamang ang mga kaso ng EJK.

“Bilang tugon lang po kay Senator Bato Dela Rosa, hindi po kasi natin pwedeng tanggalin yung usapin na EJKs kasi napaka-central nito sa usapan. Kasi po dati, pag tinitignan natin yung usapin … ng drug war eh laging ang focus ay yung mga namatay, gaano siya ka-gory, gaano siya ka bloody,” sabi ni Suansing.

“Pero wala po tayong nakukuha na sagot patungkol sa kung ano ba yung sistema, ano ba yung polisiya ng PNP nung mga panahon na iyon. At bilang PNP Chief, si Senator Bato yung pinaka-makakasagot noon,” saad pa nito.

“Kasi ang daming mga nakakabahalang mga lumilitaw po ngayon. Allegedly, merong quota system, merong incentives system sa lahat ng ranggo ng PNP. So hindi po natin talaga pwedeng tanggalin yung usapin ng EJK dito sa Quad Comm,” pagpapatuloy nito.

Ayon kay Tingog Rep. Jude Acidre mahalaga na maimbitahan ang mga may kinalaman sa war on drugs campaign lalo at mayroong mga nagsasabi na ipinatupad ang quota system sa pambansang pulisya kaya marami ang pinatay.

“Makikita natin na based sa mga testimonya ng mga ihinarap doon na mga witnesses, resource person na ihinarap sa komite, ay coordinated ang ginagawa, may mga alegasyon ng quota system.

Hindi ito iyong inosenteng nanlaban lang, nakita natin na talagang may pattern of impunity na allegedly nag-motivate sa ating mga kapulisan,” sabi ni Acidre.

“At bilang mga Kongresista, I think it should be a matter of concern for us na ang ating kapulisan ay nasa tama at tuwid na landas lalo na sa pagpapatupad ng ating mga batas at pag-secure ng ating mga pamayanan. I think iyon iyong gusto nating makamit,” sabi pa nito.

“Kailangan natin malaman saan nagkamali tayo in terms of institutional safeguards. At ang taong pwedeng mag-explain lang nito talaga, ang dating Chief ng Pambasang Pulisya, si Senator Dela Rosa. Hindi naman ho siya iniimbitahan bilang Senador. Siya naman ho ay iniimbitahan para magbigay linaw, para mas balance ho. Nasa sa kanya po talaga ang susi,” dagdag pa ni Acidre.