Bong

Sen. Bong nagpasalamat kay Eddie Garcia

Ian F Fariñas Jun 1, 2024
141 Views

PINAPURIHAN ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr. noong Martes (Mayo 28) ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11996 o ang ‘Eddie Garcia Law’ na layong protektahan ang kapakanan ng mga manggagawa mula sa industriya ng pelikula at telebisyon.

Si Revilla ay isa sa may akda ng naturang batas.

“Sa wakas ay tuluyan nang naging batas itong itinulak nating panukala para sa sa kapakanan ng ating mga kasamahang manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.

“Nagpapasalamat tayo kay President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. for enacting this law. Sobra akong nagagalak. We fought long and hard for the passage of this measure. This is a victory for our our workers and the industry,” paliwanag ng aktor-politiko.

“Mula noon ay lagi ko na ngang sinasabi, sa industriyang ito na ako isinilang at dito na ako nagkamuwang. Utang ko po sa industriya, sa mga manggagawa, at sa publiko kung nasaan ako ngayon.

This is one way of giving back,” dagdag pa nito.

“Malaking trahedya man ang pagpanaw ng isang Eddie Garcia, maganda naman na nagbunga ito sa higit na proteksyon para sa mga artista at manggagawa ng industriya,” dugtong pa ni Revilla.

Tinitiyak ng Eddie Garcia Law na ang mga manggagawa sa pelikula at telebisyon ay mabibigyan ng proteksyon ng kanilang mga employers sa lugar ng kanilang pinagtatrabahuhan.

Nakasaad din dito na dapat ay ipatupad ng employer ang tamang oras ng isang ordinaryong nagtatrabaho at maging ang tamang pasahod at kaukulang benepisyo tulad ng social security at iba pang benepisyo, basic necessity, health and safety, working conditions and standards, at insurance para sa manggagawa.

“Tito Eddie, this is for you and our friends and family in the industry. Maraming, maraming salamat for inspiring us to fight for this. Simula pa lang ito para sa tuluy-tuloy na pag-angat ng kapakanan ng ating mga kasamahan,” pagwawakas pa ni Revilla.