Cayetano Kasama ni Senator Pia S. Cayetano ang mga female members ng Philippine Heptathlon Team sa indoor track facility ng New Clark City Athletic Stadium. File photo courtesy of Sen. Cayetano office

Sen. Cayetano ikinagalak ang pagsisimula ng pagtatayo ng Athletes’ Dormitory

117 Views

IPINAHAYAG ni Senator Pia Cayetano ang kanyang kagalakan sa pagsisimula ng pagtatayo ng matagal nang inaasam na athletes’ dormitory sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Nagkaroon ng mas malaking kahalagahan ang proyektong ito matapos ang matagumpay na pakikipagtunggali ng ating mga pambansang atleta sa 2024 Paris Olympics.

Sinabi ni Cayetano na matagal na niyang pangarap na magkaroon ng pasilidad na magbibigay ng tamang suporta sa mga atletang Pilipino. Aniya, ang bagong dormitoryo ay isang pamumuhunan sa potensyal ng ating mga atleta at lilikha ng isang ecosystem na susuporta sa kanilang paglalakbay tungo sa kahusayan at tagumpay sa pandaigdigang entablado.

Bahagi ng isang P100-milyong inisyatiba sa ilalim ng Philippine Sports Commission (PSC), ang proyekto ay tinaguyod ni Cayetano, na nagsisilbing Senior Vice Chairperson ng Senate Committee on Finance, kasama ang mahalagang suporta mula kay dating Chairperson Senator Sonny Angara, na ngayon ay Education Secretary na.

Bilang masugid na tagapagtaguyod ng palakasan, binigyang-diin ni Cayetano ang paglago ng Philippine sports, lalo na’t matagumpay na nakakuha ang bansa ng dalawang gold medal at dalawang bronze sa 2024 Olympics.

Ang tagumpay ng gymnast na si Carlos Yulo at mga boksingerang sina Nesthy Petecio at Aira Villegas ay nagpapatibay sa posisyon ng bansa bilang pinakamahusay na bansa sa Southeast Asia sa nakaraang paligsahan.

“One athlete can change the lives of so many young people. Hanga ang mga kabataan sa kanila,” sabi ni Cayetano. Dagdag niya, hindi nahuhubog sa isang iglap ang mga elite athletes, at mahalaga ang pagtuklas ng lokal na talento at maagang pagsali ng kabataan sa sports.

“These athletes, these medalists did not get their Olympic medals by the stroke of luck. It was grueling hard work, prioritizing training, and maybe even compromising family responsibilities.

These are sacrifices that they made for over a decade to get to where they are today, to bring pride and honor to our country,” dagdag pa ni Cayetano.

Binanggit din ng senador na mahalaga ang pangmatagalang dedikasyon at suporta para sa mga atletang Pilipino na nais lumaban sa international stage. Sa layuning ito, sinusuportahan niya ang paglalaan ng pondo para sa mga athletic programs sa iba’t ibang State University College (SUC) at grassroots sports initiatives tulad ng Spike & Serve, Tuloy Foundation Football, at Payatas Football Club.

Bukod sa pagtatayo ng kinakailangang athletes’ dormitory, nag-akda rin si Cayetano ng ilang mahahalagang batas tulad ng Student-Athletes Protection Act, National Academy of Sports Act, at National Athletes, Coaches, and Trainers Benefits and Incentives Act. Nagpapakita ito ng kanyang dedikasyon na mapabuti ang suporta hindi lamang sa mga atleta kundi pati na rin sa mga coach at trainer.

“In terms of legislation, it’s part of our job to support our athletes. They bring so much pride and joy to the country. We must give them commensurate financial support so they can perform well,” aniya.

Sa pamamagitan ng kanyang advocacy arm na Pinay In Action (PIA) na nag-oorganisa ng mga sports clinics at tournaments sa halos dalawang dekada, aktibong itinataguyod ng senador ang paglago ng sports sa bansa at umaasang ito ang simula ng bagong yugto para sa mga atletang Pilipino.

“This is just the start of greater feats for our talented national athletes. Let’s keep supporting them and Philippine sports!” wika niya.