Chiz

Sen. Chiz: TRAIN Law may dapat maamyendahan

152 Views

NANAWAGAN noong Miyerkules si Sen. Francis “Chiz” Escudero ng mga amyenda para sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law upang mabigyan ang Pangulo ng standby power na suspendihin o ibaba ang excise tax at value-added tax (VAT) sa fuel.

Magagamit ang standby power ng Pangulo kapag lumampas ang pandaigdigang presyo ng langis sa Dubai crude benchmark assumptions.

Ayon kay Escudero, “too narrow” ang kasalukuyang safeguard sa TRAIN Law o RA 10963 at may mga tiyak na kondisyon muna bago maisuspinde ang excise tax.

Kailangan ng mas malawak na amyenda upang mas mabilis na makapagbigay ng ginhawa sa mga consumer sa panahon ng oil shock dulot ng force majeure gaya ng digmaan o pandaigdigang krisis.

“Government cannot enjoy windfall in excise taxes at the expense of the public because of the increase in prices brought about by force majeure,” sabi ni Escudero.

Lumabas ang pahayag ni Escudero matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaari siyang humingi sa Kongreso ng kapangyarihan upang bawasan ang excise taxes sa petroleum products kapag lumampas sa $80 kada bariles ang Dubai crude.

Sinabi ni Finance Secretary Frederick Go na nakadepende ang contingency plan sa presyo ng langis at sa tagal ng pagtaas nito.

Ayon sa kanya, nasa $76 hanggang $78 kada bariles noon ang Dubai crude.

Sinabi ni Escudero na habang hakbang sa tamang direksyon ang hinihinging emergency powers ng Pangulo, mas magiging epektibo ang permanenteng amyenda.

“We should not wait for every crisis to pass through Congress before action can be taken,” ayon sa senador.