Pammy Zamora House Assistant Majority Leader Pammy Zamora

Sen. Jinggoy hinamon na huwag magbulag-bulagan sa COA red flag sa budget ni VP Sara

57 Views

NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang isang miyembro ng Kamara de Representantes sa pagtatanggol ni Sen. Jinggoy Estrada sa badyet ng Office of the Vice President (OVP) laban sa ginawang pagtapyas ng House appropriations committee.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora, hindi dapat magbulag-bulagan si Estrada sa mga red flag ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng ginawang paggamit ng pondo ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Sinabi ni Zamora na maaaring tingnan ang pagtatanggol ni Estrada bilang pagkonsinte sa maling paggastos ng pondo ng bayan.

“Sen. Estrada’s fierce defense of VP Sara Duterte is a cause of concern. These are not confidential funds; they are part of the regular budget that should be carefully reviewed. Public money is always scrutinized in their use,” sabi ni Zamora.

Matapos tumanggi si Duterte na ipagtanggol ang hinihingi nitong P2.037 bilyong pondo para sa 2025 at sa pagsagot sa mga tanong kaugnay ng ginawa nitong paggamit ng confidential funds, ibinaba ng appropriations committee ang panukalang badyet ng OVP sa P733 milyon.

Noong Linggo ay tinuligsa nina Deputy Majority Leader Jude Acidre at Assistant Majority Leader Jil Bongalon si Sen. Joel Villanueva dahil sa hindi pagrespeto sa interparliamentary boundaries at panghihimasok sa trabaho ng Kamara kaugnay ng naging desisyon na bawasan ang badyet ng OVP.

Binigyan-diin ni Zamora ang pangangailangan na tiyakin na tama ang ginagawang paggatos sa pondo ng bayan.

“We need to closely examine not only confidential funds but also regular budget items. They should always be used for real programs and services,” sabi ni Zamora.

Nanawagan din si Zamora sa mga mambabatas na ipagpatuloy ang pagbabantay sa kaban ng bayan.

“We owe it to the Filipino people to ensure that their taxes are used responsibly,” saad pa nito.

“Filipinos deserve leaders who are transparent and accountable. It’s our job to make sure that public funds are always used for their benefit,” dagdag pa ni Zamora.