Sen. Kiko

Sen. Kiko nanawagan ng mas malakas na suporta sa biofertilizer

76 Views

ITINUTULAK ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mas malakas na suporta para sa produksyon ng biofertilizer dahil makatutulong ito upang maprotektahan ang mga magsasakang Pilipino pati ang suplay ng pagkain ng bansa laban sa kakulangan at pagtaas ng presyo ng pataba.

Binisita ng senador noong nakaraang linggo ang AgriSpecialist, Inc. Bio N Manufacturing Plant sa Sta. Rosa, Laguna at sinabi na makatutulong ang pagpapalakas ng lokal na produksyon ng biofertilizer upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa imported na chemical fertilizers.

“We must reduce our dependence on imported chemical fertilizers. Hindi dapat sa tuwing may sigalot sa Middle East at krisis sa enerhiya at langis, ang ating mga magsasaka, mangingisda at mamimili ang unang-unang natatamaan,” ani Pangilinan.

Ang pamumuhunan at pagsusulong ng produksyon ng biofertilizer ay makatutulong upang maibsan ang epekto ng global supply shocks habang ginagawang mas matatag at mas sustainable ang sektor ng agrikultura, sabi ng senador.

Ang biofertilizers ay mula sa beneficial microorganisms at nagsisilbing environment-friendly at mas matipid na alternatibo sa conventional chemical fertilizers.

Ayon kay Pangilinan, makatutulong ang pagpapalawak ng lokal na produksyon upang mapatatag ang presyo, mapabuti ang kalusugan ng lupa, at mapataas ang ani sa paglipas ng panahon.

Tinukoy niya ang Bio N, isang microbial biofertilizer na dinebelop ng University of the Philippines Los Baños, na napatunayang nakababawas ng paggamit ng synthetic nitrogen fertilizer ng 30 percent hanggang 50 percent.

Ayon sa mga mananaliksik, ang naturang biofertilizer ay maaaring magpataas ng ani, makalikha ng mas malusog na pananim gaya ng mais at gulay, mapabuti ang kalusugan at sustainability ng lupa, makatulong upang manatiling malusog at luntian ang mga halaman kahit may tagtuyot at peste.

Nanawagan si Pangilinan sa Department of Agriculture at iba pang ahensya na palawakin ang research, magbigay ng insentibo sa mga lokal na producer, at magpatupad ng training programs para sa mga magsasaka sa paggamit ng biofertilizers.

“Now more than ever, we must prioritize long-term solutions that protect both our farmers’ livelihoods and our nation’s food supply,” aniya.