Lacson

Sen. Lacson: Mga senador dapat pakinggan panawagan ng mga law deans, professors

17 Views

DAPAT pakinggan ng Senado ang panawagan ng mga law dean at propesor ng batas na ituloy ang posibleng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, dahil may constitutional mandate ang kapulungan kapag naipadala na ang Articles of Impeachment, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.

Ayon pa kay Lacson, dapat seryosohin ng Senado ang pahayag ng mga law dean at propesor mula sa mga nangungunang law school sa bansa.

“Not only is this a powerful statement coming from powerful legal minds of the country which the Senate should take seriously, but more importantly, it is what the Constitution unequivocally provides,” ani Lacson.

Pinaalalahanan ng pahayag ang mga senador na ang pagtangging umupo bilang Court of Impeachment ay hindi isang constitutional option kapag naipadala na ng House of Representatives ang Articles of Impeachment sa Senado.

Ayon sa mga law dean at propesor, sa ilalim ng Article XI, Section 3 ng Konstitusyon, kapag hindi bababa sa one-third ng mga miyembro ng House of Representatives ang bumoto upang pagtibayin ang committee report o maghain ng impeachment complaint, itinuturing na itong Articles of Impeachment at dapat magsimula “forthwith” ang paglilitis.

Ayon sa pahayag, ang refusal ng public officers na gampanan ang tungkuling itinakda ng batas, lalo na ng Konstitusyon, “constitutes dereliction of duty that is administratively actionable.”

Hinimok din ng mga lumagda ang mga Pilipino na tiyakin ang faithful compliance ng public officers sa kanilang sinumpaang tungkulin na itaguyod ang Konstitusyon at sundin ang rule of law.

Kabilang sa mga lumagda sa pahayag sina retired Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, Antonio La Viña, Fr. Ranhilio Aquino, Jemy Gatdula at iba pang dean at propesor mula sa iba’t ibang unibersidad at law school.

Nauna nang sinabi ni Lacson na kung mangyayari ang ganitong sitwasyon, handa siyang tumutol at bumoto laban sa anumang mosyon na magpapahinto o magpapabalam sa pag-convene ng Senado bilang impeachment court sa posibleng kaso na kinasasangkutan ng Bise Presidente.

Nakalatag na ang Konstitusyon at ang mga umiiral na legal mechanisms upang tugunan ang anumang isyung maaaring lumitaw sa posibleng impeachment trial, kabilang ang mga hakbang na pigilan ang Senado sa pag-convene bilang impeachment court, ayon sa senador.

Nauna nang sinabi ni Senate president Alan Peter Cayetano na kikilos ang Senado “forthwith” kapag natanggap na ang Articles of Impeachment at hindi magkakaroon ng delay sa proseso.