Cayetano

Sen. Pia adbokasiya malinnis, abot-kaya, maasahang tubig

111 Views

BINIGYANG-DIIN ni Sen. Pia Cayetano sa kanyang privilege speech ay iginiit nito ang agarang pangangailangang kumilos para sa water security, at iginiit na ang pagkakaroon ng malinis, abot-kaya at maaasahang tubig ay isang batayang karapatan at hindi lang dapat ituring na usaping pang-imprastraktura.

Kasabay ng paggunita sa World Water Day, sinabi ni Cayetano na kababaihan at mga batang babae pa rin ang kadalasang pinakaapektado ng kakulangan sa tubig dahil sila ang madalas umaako sa pag-iigib at pagkuha ng tubig sa mga komunidad na mahina ang suplay. Aniya, hindi lamang kakulangan sa imprastraktura ang suliranin kundi pati ang kakulangan ng wastong representasyon ng kababaihan sa pamamahala sa tubig.

Itinutulak ni Cayetano ang Senate Bill No. 348 o ang Water Sustainability Act, na naglalayong pag-isahin ang umiiral na mga balangkas sa pamamahala at pagpapanatili ng suplay ng tubig sa ilalim ng Philippine Water Sustainability Framework. Sa kanyang talumpati, binanggit din niya ang datos na nagpapakitang milyon-milyong Pilipino pa rin ang walang maaasahan at ligtas na suplay ng tubig kahit sagana ang bansa sa likas na yamang-tubig.

“Let us not wait for a water crisis. The time to act is now. Water security is not just an infrastructure challenge, it is the foundation of human dignity, public health, and gender equality. Ensuring clean, affordable and reliable water for every household is more than just a target: it is an act of intergenerational fairness and justice,” ani niya.

Nanawagan din siya para sa mas matibay na institusyonal na pagpaplano, mas malawak na kaalaman ng publiko hinggil sa wastong paggamit ng tubig at kalinisan, at isang sistema ng pamamahala na kinabibilangan ng kababaihan, kabataan at mga katutubo sa pagdedesisyon ukol sa tubig.