Hontiveros

Sen. Risa makikipag-ugnayan sa di bababa na50 OFWs na inabuso sa Qatar

89 Views

NANAWAGAN si Sen. Risa Hontiveros noong Miyerkules para sa mas mahigpit na proteksyon sa mga karapatan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa buong mundo.

Sa kanyang pagbisita sa Qatar, makikipag-ugnayan si Hontiveros sa hindi bababa sa 50 OFW na napaulat na nakaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga employer.

Makikipagpulong din siya sa mga opisyal ng Philippine diplomatic at labor sectors, pati na rin sa mga lider ng migranteng komunidad upang talakayin kung paano mas mapapalakas ang mga programa at polisiya ng gobyerno para sa kaligtasan ng mga migranteng manggagawa.

Si Sen. Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, nagpahayag ng pagkabahala sa mga pisikal at emosyonal na pang-aabuso na sinasapit ng ilang OFWs pati na rin sa hindi makatarungang mga gawain sa trabaho na nararanasan ng mga manggagawang Pilipino sa Qatar—lalo na ng mga kababaihang nagtatrabaho bilang mga kasambahay.

“According to government records, 57 percent of OFWs deployed in Qatar are household workers and a majority of them are women who are especially vulnerable to abuse by employers.

Kailangan nating makinig sa mga kababayan nating biktima ng pananakit, pang-aabuso at iba pang krimen at kumilos para hindi maulit ang malungkot nilang karanasan,” ayon kay Hontiveros.

Binigyang-diin ng senador na ang mga Migrant Workers Offices sa Qatar at iba pang bansa dapat palakasin at bigyan ng sapat na pagsasanay upang mas mabigyan ng tulong ang mga nagigipit na manggagawang Pilipino, partikular ang mga “runaway” workers na nakakaranas ng banta mula sa kanilang mga employer o ibang tao.

Hinikayat din niya ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na palakasin ang kanilang kapasidad na bantayan at abutin ang mga distressed workers.

Sinabi ng senador na ang mga pre-departure orientation seminars para sa mga vulnerable OFW—gaya ng mga domestic workers—dapat pag-ibayuhin upang maging “fully and consciously aware” ang mga OFWs sa mga hamong maaaring harapin nila sa aspetong kultural, relihiyoso, sosyal, at maging sa wika.

Si Hontiveros, na may-akda ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act, at kasalukuyang nangunguna sa imbestigasyon ng Senado sa mga illegal POGOs, nanawagan din sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang kanilang mga hakbang upang mapigilan ang mga Pilipino na mabiktima ng human trafficking scams o ng mga employer at placement agencies na nagtatakda ng di-makatarungan at parang-aliping kondisyon sa trabaho.

“One of the most effective means of combating abuse and harassment of Filipino workers is by clamping down on scammers and recruiters who wish to victimize Pinoys looking for gainful employment overseas.

Sa simula pa lang ng proseso ng pag-aabroad, dapat na nating tuldukan ang pangloloko at pang-aabuso sa OFWs,” pagtatapos ni Hontiveros.