Sen. Risa nanawagan na bilisan repatriation ng OFWs sa Lebanon

86 Views

NANAWAGAN si Sen. Risa Hontiveros sa pamahalaan na bilisan ang repatriation ng libu-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) na maaaring maipit sa tumitinding karahasan sa pagitan ng Israel at Hezbollah sa Lebanon.

Binigyang-diin ni Hontiveros ang pangangailangan ng agarang aksyon at hinikayat ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na bigyang-prayoridad ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Lebanon.

Kailangan ng contingency plans dahil maaaring mabilis lumala ang sitwasyon kung tuluyang magsagawa ng ground invasion ang Israel, ayon sa senador.

Hinimok niya ang DFA at DMW na magsimula na ring i-preposition ang mga resources at mag-mobilize ng mga team upang matiyak ang mabilis na pagtugon sakaling tumindi pa ang tensyon.

“I trust that our government agencies are exhausting all options to ensure the security, safety and welfare of our OFWs,” ayon kay Hontiveros.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng mga manggagawang Pilipino at ng embahada ng Pilipinas sa Beirut.

Pinasiguro ni Hontiveros na nakatuon ang Senado sa pagbibigay ng suporta sa mga OFW na babalik sa bansa.

Ipinangako niya na itutulak ang mga livelihood assistance programs para matulungan ang mga repatriated OFWs na muling makabalik sa bansa.

“Titiyakin namin sa Senado na dapat magkaroon ng livelihood assistance ang mga babalik sa bansa,” panigurado ni Hontiveros.

Ang mga pahayag ni Hontiveros kasunod ng plano ng pamahalaan ng Pilipinas na ilikas ang humigit-kumulang 11,000 Pilipino mula sa Lebanon na karamiha’y nagtatrabaho bilang mga domestic helper.

Sinabi ni Foreign Undersecretary Eduardo de Vega na naghahanda ang pamahalaan na ilikas ang mga mamamayan mula Lebanon sakaling magsimula ang ground invasion ng Israel laban sa Hezbollah.

Aminado si Hontiveros sa hirap ng desisyon ng maraming Pilipino sa pagpili sa pagitan ng pananatili sa isang war zone o pag-uwi sa isang hindi tiyak na kinabukasan sa Pilipinas.

Maraming OFWs ang nananatili sa gitnang bahagi ng Lebanon, partikular na sa Beirut, isang lugar na mas kaunti ang apektado ng labanan.

Ayon kay Philippine Ambassador to Beirut Raymond Balatbat, halos 200 Pilipino na ang umalis mula sa timog Lebanon.