Calendar

Sen. Risa naniniwalang mas lumalakas tunay na oposisyon
NANINIWALA si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na ang resulta ng katatapos na 2025 midterm elections ay patunay na muling lumalakas ang tinatawag niyang “tunay na oposisyon” sa parehong Senado at Kamara, kasabay ng umano’y pag-angat ng mga progresibong lider at partylist groups.
Sa inilabas na pahayag, mariing sinabi ni Hontiveros: “Lumalakas na ang totoong oposisyon sa Senado at Kongreso!” Aniya, hindi lang ito simpleng pagbabalik sa pulitika kundi patunay na patuloy na naghahanap ang mamamayang Pilipino ng pamahalaang may prinsipyo at malasakit. “Pinapatunayan lamang ng halalang ito na hangad pa rin ng masang Pilipino ang pamahalaang may puso, may prinsipyo, at may tapang manindigan.”
Batay sa hindi pa opisyal na resulta mula sa Commission on Elections, iniulat na nakapuwesto nang maganda ang Akbayan Partylist—na dati ring pinamunuan ni Hontiveros—sa isang masikip na laban.
Muling nakabalik din umano sa Senado sina dating Senador Kiko Pangilinan at Bam Aquino, na parehong kaalyado ng oposisyon, matapos ang tatlong taong hindi pag-upo sa puwesto.
Tungkol sa tagumpay ng Akbayan, sinabi ni Hontiveros: “Ang makasaysayang tagumpay ng aking minamahal na Akbayan Partylist ay bunga ng tiwala at pagkilos ng taumbayan. Once more, the Filipino people have brought Akbayan to the top of a very hard fought partylist race.” Nagpasalamat siya sa mga tagasuporta sa buong bansa at binigyang-pugay ang mga kabataang botante: “At special shoutout sa ating kabataang botante na nagsilbing game-changer sa eleksyong ito!”
Mainit din ang kanyang pagbati sa pagbabalik nina Pangilinan at Aquino: “Welcome back rin sa aking mga kaibigan, Senator Kiko Pangilinan at Bam Aquino! Kayo ang mga boses na kailangang-kailangan natin sa Senado sa mga darating na araw. I look forward to once again working with you both for the good of the people.”
Binigyang-diin din ni Hontiveros ang umano’y panalo ng Mamamayang Liberal Partylist na pinangungunahan ni dating Senador Leila de Lima, na naabswelto noong 2024 sa mga kasong may kaugnayan sa droga. “Masaya ako at kasama ng Akbayan sa susunod na Kongreso ang Mamamayang Liberal Partylist (ML) sa pangunguna ni former Senator Leila de Lima sa pagsulong sa hustisya, karapatang pantao at malinis na gobyerno.”
Dagdag pa niya, malinaw ang mensahe ng taumbayan sa eleksyon: “Simple at malinaw ang sigaw ng taumbayan: Itaas ang sahod. Ibaba ang presyo ng bilihin. Gawing abot-kamay ang edukasyon.
At tiyaking may pananagutan ang nasa kapangyarihan.”
Sa harap ng muling nabubuong oposisyon na inaasahang uupo sa puwesto sa Hunyo 30, binigyang katiyakan ni Hontiveros ang kanilang paninindigan: “Kasama sina Senator Kiko at Senator Bam sa Senado, at ang Akbayan Partylist at Mamamayang Liberal Partylist sa Kongreso, titindig tayong muli nang mas taas-noo, mas matatag, at mas handa sa hamon ng panahon.”
Nakatakdang ilabas ng Commission on Elections ang opisyal na listahan ng mga nanalong kandidato sa mga susunod na araw.