Calendar
Sen. Robin humihingi ng hustisya para sa Teduray
EMOSYONAL na habol ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang hustisya para sa mga miyembro ng tribong Teduray na namatay at nasugatan dahil sa hagupit ng Bagyong “Paeng” noong Oktubre.
Sa kanyang privilege speech nitong Martes, iginiit ni Padilla na dapat imbestigahan ang trahedyang ito, kasama ang impormasyon ng umano’y sapilitang paglipat nila.
“Hinihingi ko po sa Senado na bigyan po ito ng pansin sapagka’t para saan po tayo kung hindi natin mabigyan ng proteksyon ang mga maralitang katutubo, ano tayo?,” diin ng mambabatas.
“Nakapagtataka po dahil daan-daan taon na simula ng manirahan ang mga katutubong Teduray sa nasabing lupain. Doon po sa baybayin na yun ay nakalatag ang kapaligiran ng kanilang kultura; dito rin po nakalagak ang libingan ng kanilang mga ninuno. Sa ngayon, wala na sa kanilang pag-aari ang ninunong lupa. Ano po ang dapat gawin para ma protektahan ang karapatan ng ating mga katutubo?” dagdag niya.
Naghain ng Senate Resolution No. 280 si Padilla para imbestigahan ang trahedya kung saan 24 na katutubong Teduray ang nasawi habang 30 ang naulat na nasugatan dahil sa baha sa Minandar.
Ayon sa ulat, Disyembre 2020 nang magpetisyon ang 127 na pamilyang Teduray sa National Commission of Indigenous Peoples (NCIP) ukol sa kanilang sapilitang paglipat ng tirahan mula sa coastal area patungo sa Sitio Tabunon sa paanan ng Minandar.
“Wala pong tugon o aksyon ang natanggap na NCIP ukol sa petisyon. Naghihintay rin tayo ng komento mula sa Ministry of Indigenous People’s Affairs (MIPA) ng BARMM dahil sila ang dapat na nakatutok sa hinaing ng mga katutubo batay sa kanilang mandato,” ani Padilla.
“Hanggang kailan natin hahayaang masupil ang kanilang karapatan at kayamanan? Hindi po ito katanggap-tanggap,” idiniin ni Padilla.
Dagdag ng mambabatas, nakakalungkot na sa kabila ng pagkakapasa higit 25 taon na nakararaan ng Indigenous Peoples Rights Act upang kilalanin, protektahan, at itaguyod ang karapatan ng mga katutubo, patuloy pa rin ang ulat ng pananamantala at pagyurak sa karapatan ng ating mga katutubo.
“Bilang inyong chairman ng Cultural Communities and Muslim Affairs kung saan naisangguni ang naturang resolusyon — ang inyo pong lingkod ay nangangakong didinggin ang nasabing isyu sa lalong madaling panahon,” aniya.