Tulfo

Sen. Tulfo, anak inayos agad isyu sa insidente sa EDSA bus lane

14 Views

INAMIN niya!”

Ito ang pagbubunyag mismo ni Senador Raffy Tulfo, na isang kilalang tagapagtaguyod sa mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon sa EDSA bus lane, nang kumpirmahin niya na ang kanyang anak na si Quezon City Second District Representative Ralph Wendel Tulfo, ay diumanong nahuli kamakailan na lumabag sa patakaran sa pamamagitan ng paggamit ng restricted lane sa EDSA.

Ikinuwento mismo ni Senador Tulfo ang insidente at ang paghingi ng paumanhin ng kanyang anak sa isang pahayag sa media.

“Kinausap ko si Ralph tungkol sa insidente at walang paligoy-ligoy pa at inadmit niya at katakot-takot na nag-sorry siya sa akin, sabi ko wag mo na ulitin and sabi ko sa kanya, kailangan mag-apologize ka sa taumbayan,” pahayag ni Senador Tulfo.

Binigyang-diin niya na agad nilang naresolba ang isyu, kung saan nabayaran na ang multa at sumailalim ang driver sa isang kinakailangang seminar.

“The good thing is he did not lie and he apologized and he was humble,” dagdag niya.

Ang matibay na paninindigan ni Senador Tulfo sa mga batas trapiko kung saan ay kilala ito sa kanyang pamumuno bilang Chair ng Senate Committee on Public Services.

Bukod dito, lantaran kinokondena ni Sen. Tulfo ang maling paggamit ng EDSA busway, at iminungkahi pa niya na itaas ang multa para sa mga pribadong sasakyang gumagamit ng lane mula P5,000 patungong P50,000.

Ang bus lane, na pinamamahalaan ng Department of Transportation, ay eksklusibong nakalaan para sa mga awtorisadong bus at mga sasakyang pang-emergency tulad ng ambulansya, fire truck, at police vehicle. Ang ilang piling opisyal ng gobyerno lamang, kabilang ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, Speaker of the House of Representatives, at Chief Justice ng Korte Suprema, ang pinapayagang lamang gumamit ng busway kapag hinihingi ng pagkakataon.

Naniniwala si Tulfo na anuman ang estado ng isang tao, ang batas ay batas at nararapat sundin ng lahat.

Iginiit niya na ang paghingi ng paumanhin sa publiko ni Representative Tulfo ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin ng trapiko upang mapanatili ang mas maayos na daloy ng kalsada para sa lahat ng commuter.