ERWIN TULFO

Sen. Tulfo: Dapat makipag-coordinate para sa Pinoys sa Taiwan

24 Views

SINABI ni Sen. Raffy Tulfo, pangulo ng Senate Committee on Migrant Workers, na dapat simulan na ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan upang suriin ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Taiwan, kasunod ng tumitinding tensyon sa rehiyon dulot ng mga isinagawang military exercises ng Tsina malapit sa nasabing isla.

Nakipag-ugnayan si Tulfo kay Cheloy Garafil, chairperson at Resident Representative ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) sa Taiwan, upang talakayin ang contingency planning.

Ipinabatid ni Garafil na may humigit-kumulang 80,000 na silungan sa Taiwan na kayang tumanggap ng hanggang 40 milyong katao.

Ayon kay Garafil, ang mga silungang ito o mga shelter ng ating pamahalaan, na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Taiwan, maaaring hanapin sa pamamagitan ng isang online application na tumutulong sa mga user na matukoy ang pinakamalapit na silungan.

Sa pahayag ni Garafil, sapat ang kapasidad ng mga silungan para sa kabuuang populasyon ng Taiwan na nasa 23 milyon, kabilang na ang mahigit 200,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho roon.

Sinabi ni Garafil na natukoy na ang mga exit points at may nakahandang transportasyon kung kinakailangang magsagawa ng evacuation.

Ipinunto niya na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) nangakong tutulong sa repatriation efforts gamit ang kanilang mga available na eroplano at barko.

Nakipag-usap din si Tulfo kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac na nagkumpirmang matagal nang naghahanda ang pamahalaan ng Pilipinas para sa ganitong sitwasyon sa loob ng nakalipas na dalawang taon.

Ipinaliwanag ni Cacdac na nagpapatuloy ang koordinasyon sa pagitan ng AFP at iba pang mga ahensya, at mayroon nang contingency manual na sinusunod.

Dagdag pa niya, may pahiwatig na ang ilang kaalyadong bansa handang tumulong kung kinakailangan.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang opisina ni Tulfo sa AFP bilang bahagi ng kabuuang contingency planning.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Tulfo ang karapatan ng Pilipinas na ipagtanggol ang sarili at ang kahalagahan ng Mutual Defense Treaty nito sa Estados Unidos sakaling magkaroon ng paglala ng sitwasyon na kinasasangkutan ang teritoryo ng Pilipinas.