Calendar
Sen. Tulfo hiniling proteksyon para sa Pinoy seafarers sa high-risk areas
HINILING ni Sen. Raffy Tulfo sa mga opisyal ng migrant workers at foreign affairs na palakasin ang proteksyon para sa mga Filipino seafarer na nade-deploy sa high-risk maritime areas.
Nagpahayag ng pangamba si Tulfo sa kaligtasan ng mga Filipino crew member sa gitna ng mga naiulat na insidente na kinasangkutan ng mga barko sa Strait of Hormuz at mga health-related emergency na nakaapekto sa mga seafarer sa ibang bansa.
“What steps have been undertaken by the Departments of Migrant Workers (DMW), Foreign Affairs (DFA), the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) and other stakeholders, to protect our estimated 600,000 seafarers deployed worldwide?” tanong ni Tulfo.
Tinanong din niya kung may contingency plans at enhanced security measures ang mga ahensiya ng gobyerno para sa mga seafarer na nakatalaga sa mapanganib na ruta.
Tinalakay din sa pagdinig ang iba pang usapin na nakaaapekto sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa, kabilang ang pagkaantala sa maritime credentials, illegal recruitment, fraudulent job offers, pagpapatupad ng holidays ng Philippine consulates at embassies, at mga reklamo kaugnay ng consular services.
Mahalagang haligi ng pambansang ekonomiya ang overseas employment, ngunit marami pa ring overseas Filipino workers ang humaharap sa panganib, bigong deployment at kakulangan sa proteksyon ng gobyerno, ayon kay Tulfo.
“Many OFWs continue to face disappointment, danger and, most painfully, return home unsuccessful. We must find lasting solutions and finally put an end to the fears and struggles endured by our OFWs,” sinabi niya.
Ayon kay Tulfo, kailangang tugunan ng gobyerno ang mga kahinaan sa overseas employment programs at policies upang matiyak na protektado ang mga manggagawang Pilipino bago ma-deploy, habang nasa ibang bansa, at sa kanilang pag-uwi.

