Calendar

Sen. Tulfo siniguro kaligtasan ng pasahero ng bus ngayong Semana Santa
UPANG masiguro ang kaligtasan ng mga pasaherong babyahe ngayong Semana Santa, pinangunahan ni Senador Raffy Tulfo, Tagapangulo ng Senate Committee on Public Services at Pangalawang Tagapangulo ng Committee on Labor and Employment, ang biglaang inspeksyon sa mga motorpool ng mga kompanya ng bus sa Metro Manila.
Para kay Tulfo, dapat lamang tiyakin ang maayos na pagmintina ng mga pampasaherong bus at ang pagsunod ng mga ito sa mga pamantayan ng kaligtasan at paggawa.
Kasama sa mga inspeksyon ang mga kinatawan mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Ayon sa pahayag ni Tulfo sa mismong inspeksyon, layunin nitong suriin ang kondisyon ng mga bus pati na ang kwalipikasyon ng mga mekanikong gumagawa ng maintenance.
“Mahalaga ang pag-iinspect sa mga motorpool ng mga public utility bus sapagkat dito isinasagawa ang preventive maintenance at pagkumpuni sa mga bus upang makita na rin kung tama ba ang pamamaraan ng ginagawa nilang maintenance at pagkukumpuni – kasama na rito kung certified ba ang kanilang mga mekaniko,” ani Tulfo.
Sa isinagawang inspeksyon, ibinunyag ni Tulfo ang ilang seryosong paglabag. Napansin niyang wala sa mga mekaniko sa mga binisitang motorpool ang may suot na pangunahing protective gear gaya ng gloves, bota, apron, at safety goggles.
Bukod dito, nakita rin niyang marurumi ang mga makina at kagamitan; ang ilan pa’y walang takip pangkaligtasan. May mga kable rin ng kuryente na gusot at nakalantad.
“Ito ay lubhang mapanganib at takaw aksidente para sa mga trabahador dahil maari silang masugatan, maputulan ng daliri, makuryente o mabulag,” binigyang-diin ni Tulfo.
Tinukoy din niya ang di-kanais-nais na kondisyon ng paggawa. Inilarawan niya ang kalagayan ng ilang mekaniko bilang “kaawa-awang kalagayan.”
Sa isang motorpool, nadiskubre niya ang isang underchassis service pit na walang safety markings at kulang sa bentilasyon. Ayon sa kanyang grupo, nalalantad ang mga manggagawa sa matinding init at kemikal na usok.
Humiling din si Tulfo ng TESDA certifications mula sa mga tagapamahala ng motorpool upang mapatunayan ang kasanayan ng kanilang mga mekaniko. Karamihan ay walang maipakitang sertipikasyon.
Bagama’t may ilang kompanyang bahagyang sumusunod sa mga itinakdang training ng TESDA, ipinunto ng kinatawan ng TESDA na may ilang training methods na hindi na napapanahon.
May ilang kompanya ring walang kumpletong dokumentasyon ng preventive maintenance at warranty, dahilan upang mahirapang beripikahin ng mga awtoridad ang kasaysayan ng pagkumpuni ng kanilang mga bus. Ang iba nama’y may digital records ngunit hindi pa rin umaabot sa ganap na compliance.
“Mahalaga ang TESDA certification dahil dito itinuturo sa kanila ang tamang pag-handle ng vehicle maintenance para sa kaligtasan hindi lamang ng mga pasahero pero maging sa mga mekaniko na rin,” ayon kay Tulfo.
Kasunod ng inspeksyon, inatasan ni Tulfo ang mga tagapamahala ng motorpool na magsumite ng kanilang mga record ng maintenance at compliance sa LTFRB, LTO, at TESDA. Inaasahang ipapasa ng mga ahensyang ito ang impormasyon sa kanyang komite para sa pagsusuri sa mga susunod na pagdinig sa Senado.
Ang mga inspeksyon ay kasunod ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan na pagbutihin ang kaligtasan sa pampublikong transportasyon. Ayon sa mga ulat, tumataas na insidente ng aksidente sa pampasaherong bus sa mga nakaraang taon ang naging dahilan ng panawagan para sa mas mahigpit na pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan at pagsasanay sa buong sektor ng transportasyon.