Gatchalian

Sen. Win nanawagan sa DA na iwasan panandaliang kontrol sa presyo

17 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Agriculture (DA) na iwasan na ang panandaliang kontrol sa presyo at sa halip ay tutukan ang pangmatagalang mga reporma upang mapababa ang presyo ng pagkain, partikular ng baboy, kasunod ng pag-alis ng price ceiling na ipinatupad ng pamahalaan.

“The Department of Agriculture should shift from temporary market interventions to long-term sustainable solutions to bring down food prices, including the cost of pork.” giit ni Gatchalian.

Ipinunto rin ng senador na kailangang tugunan ang mga pangunahing suliranin sa sektor ng paghahayupan (Animal Industry sector) kabilang na ang pagkalat ng sakit at mga balakid sa produksyon, upang mapanatili ang katatagan ng presyo at matiyak ang seguridad sa pagkain ng bansa.

“The department should instead focus on bolstering local production and addressing challenges such as livestock diseases,” aniya, na binigyang-linaw ding makatutulong ito upang mabawasan ang pagdepende sa pandaigdigang suplay na madalas naaantala.

Matatandaang ipinatupad ang price ceiling bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng baboy bunsod ng kakulangan sa suplay at paglaganap ng African Swine Fever (ASF). Inalis na ito ng DA matapos umanong bumuti ang kalagayan sa merkado, kabilang ang pagtaas ng importasyon at mas maayos na balanse ng suplay at demand.

Gayunpaman, iginiit ni Gatchalian na kinakailangan pa rin ang matibay at lokal na nakasandig na mga solusyon upang maprotektahan ang publiko sa mga posibleng pagtaas muli ng presyo.

“Ito lang ang paraan upang mas maging abot-kaya ang presyo ng pagkain sa pangmatagalan at upang maitaguyod ang kapakanan ng ating mga hog raiser tungo sa mas maayos na food security ng bansa,” aniya.

Ang panawagan ng senador ay umaayon sa mga babala ng mga eksperto sa agrikultura, na hinihimok ang pamahalaan na mamuhunan sa mga programang nakatuon sa pagpigil ng sakit, suporta sa produksyon, at pagpapatibay ng imprastraktura—mga hakbang na makatutulong upang mapalakas ang lokal na suplay ng pagkain at mabawasan ang labis na pag-asa sa importasyon.